Lifetime Achievement award para kay Jaworski
MANILA, Philippines — Pararangalan ng PBA Press Corps ang isa sa mga greatest players na naglaro sa kasaysayan ng pioneering pro league sa Asya.
Igagawad kay Robert ‘Sonny’ Jaworski Sr. ang Lifetime Achievement Award sa 30th Annual Awards Night ng PBAPC sa Setyembre 24 sa Novotel Manila Araneta City.
Ang 78-anyos na si Jaworski ang ikalawang PBA personality na bibigyan ng nasabing special award.
Si Alaska team owner Wilfred Uytengsu ang unang tumanggap nito sa 25th anniversary ng PBAPC noong 2019.
Ang iconic playing-coach ang itinuturing na most popular player na naglaro sa PBA kung saan ang gandang lalaki at taglay na karisma nito kakambal ang kanyang playing ability at leadership ang nagpahanga sa mga Pinoy basketball fans.
Naglaro si “Jawo” sa record na 23 PBA seasons para sa Toyota at Barangay Ginebra na naduplika ni Fil-Tongan big man Asi Taulava noong 2022.
Hinirang na 1978 MVP, nanalo ang playing guard ng kabuuang 13 championships bilang player at coach mula noong 1975 hanggang 1997.
Si Jaworski rin ang nag-iisang player na naglaro sa PBA sa edad na 50-anyos.
Ang tinaguriang “Big J” ay isang 13-time champion bilang player, coach at playing-coach, isang six-time Mythical First Team, two-time Mythical Second Team, two-time All-Defensive team member at four-time All-Star.
Matapos ang makulay na career sa Toyota ay lumipat ang Filipino Olympian sa Gilbey’s Gin na naging Ginebra kung saan niya pinasikat ang ‘Never Say Die’ mantra ng franchise.
Si Jaworski ang kauna-unahang playing-coach na nawagi ng PBA championship noong 1986 Open Conference at humawak sa unang all-pro team sa Beijing Asian Games at kinuha ng tropa ang silver medal.
Bilang isa sa mga itinuturing na best ever point guards sa PBA history ay si Jaworski pa rin ang may hawak ng all-time record para sa pinakamaraming assists na 5,825.
Bahagi siya ng original 25 Greatest Players sa PBA history at isang first ballot PBA Hall of Famer bilang miyembro ng inaugural 2005 Class.
Noong 2012 ay ipinagdiwang niya ang kanyang No. 7 jersey na opisyal na iniretiro ng Ginebra.
Matapos ang kanyang makulay na basketball career ay sumalang si Jaworski sa public service at nanalo bilang Senador at nagsilbi noong 1998 hanggang 2004.
- Latest