P200 milyong droga buking sa BOC

Idineklarang personal effects
MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang halos P200 milyong halaga ng mga shabu at high-grade marijuana na nakatago sa ilang pakete, na unang idineklara bilang personal effects sa isang bodega sa Pasay City kahapon.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, ang higit P199.7 milyong kabuuang halaga ng ilegal na droga ay nakatago sa shipment na nakasilid sa 15 kahon mula sa Canada.
Hinarang ito ng BOC X-ray Inspection Project (XIP) matapos na makitaan ng mga kahina-hinalang imahe sa isinagawang X-ray screening.
Nagresulta rin ito sa agarang paglalabas ng Alert Order at malaunan ay pagsasagawa ng full physical examination at beripikasyon ng mga pakete.
Nabatid na sa pagsusuri, nadiskubre ng mga awtoridad ang anim na kahon na naglalaman ng 28 lata na mayroong 28.324 kilo ng suspected shabu at may estimated street value na P92.60 milyon.
Ang isa pa namang kahon ay natuklasang naglalaman naman ng tinatayang nasa 4.75 kilo ng suspected kush o high-grade marijuana na nagkakahalaga naman ng nasa P7.12 milyon.
- Latest


















