‘Dula-dulaan’ napagkamalang barilan:Mga estudyante nagpanik, hinimatay!

Na-trauma sa Tacloban shooting
MANILA, Philippines — Dahil sa iniwang matinding trauma ng pamamaril, nagsipagpanik ang mga estudyante ng San Jose National High School (SJNHS) matapos mapagkamalan na ang ginaganap na “dula-dulaan” sa klasrum ay naulit na naman muli ang malagim na “shooting incident” nasabing eskuwelahan na ikinasawi ng apat na estudyante sa Tacloban City, Leyte, ayon sa ulat kahapon.
Sa report, kasalukuyang nagsasagawa ng dula-dulaan ang grupo ng mga estudyante sa isa sa mga klasrum ng SJNHS sa Brgy. San Jose ng lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, dahil sa narinig na mga sigaw at tila mga putok ng baril ay nag-iiyakang nagpanakbuhan ang mga nagsipagpanik na estudyante na nag-uunahan sa paglabas ng kanilang klasrum sa matinding takot.
Bunga nito, may mga nasugatang estudyante sa pagbabalyahan at pag-uunahang makalabas ng silid aralan habang ang iba ay hinimatay pa sa komosyon bunga ng insidente.
Gayunman, lumalabas na ang narinig nilang mga sigaw at tila mga putok ng baril ay bahagi lamang pala ng dula-dulaan ng grupo ng mga estudyante.
Nilinaw naman ng mga nagrespondeng pulis na walang naganap na insidente ng pamamaril sa nasabing paraalan matapos mismong mga magulang ng mga estudyante ay sumugod na rin sa eskuwelahan.
Napayapa lamang ang mga estudyante matapos na ianunsyo ng principal ng SJNHS na walang barilan na nangyayari at bahagi lamang ang narinig na sigaw ng mga estudyante nagsasagawa ng dula-dulaan bilang aktibidad ng isang grupo ng mga mag-aaral sa kanilang klasrum.
Magugunita na noong Hunyo 22 ay nabulabog ang nasabing eskuwelahan matapos namang dalawang menor-de-edad na estudyante rito ang namaril na ikinasawi ng apat na mag-aaral habang 20 pa ang sugatan.
- Latest






















