TNT ‘di papayag mabaon
MANILA, Philippines — Dadalawang sunod o tatabla?
Hangad ng Barangay Ginebra ang higanteng 2-0 kartada habang matamis na balikwas ang tangka ng reigning champion na Talk ‘N Text upang makatabla sa krusyal na Game 2 ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup finals ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Natakda ang bakbakan sa alas-7:30 ng gabi matapos ang makasaysayang Game 1 na kinatampukan ng isa na namang classic game-winner ni resident import Justin Brownlee.
Lumamang ng hanggang 18 puntos ang Gin Kings subalit kinailangan ang pamamayani ni Best Player of the Conference contender RJ Abarrientos at Brownlee para sa dikdikang 102-100 tagumpay tungo sa 1-0 kartada ng best-of-seven finals.
Tampok dito ang fadeaway go-ahead basket ni Brownlee kontra kay Chris McCullough ng Talk ‘N Text sa huling 0.6 segundo at ang magandang depensa sa alley-oop attempt ni Calvin Oftana sa buzzer.
At parehong pitpitang laban uli ang inaasahan ni coach Tim Cone kontra sa kanyang karibal na si Chot Reyes at ang Tropang 5G na tinalo na sila huling tatlong paghaharap sa finals.
“I expect the same kind of game in Game 2 and the rest of the series,” ani Cone na tangka ang kanyang ika-26 na titulo.
Sasandal uli si Cone kina Abarrientos at Brownlee na pumukol ng 24 at 23 puntos, ayon sa pagkakasunod, kasama ang solidong kontribusyon nina Scottie Thompson, Troy Rosario, Stephen Holt at Japeth Aguilar.
Sa kabilang banda, hindi basta-basta susuko ang Tropang 5G na minsan na ring naiwan sa serye bago nakabalik kontra sa Gin Kings.
“Move forward nalang and bawi nalang sa next game,” ani Oftana matapos ang napurnadang panablang alley-up na nagresulta pa sa pagreklamo at panawagan ni coach Chot Reyes sa mga opisyal pagkatapos ng laro.
- Latest


















