Magnolia Hotshots delikado ang katayuan sa PBA Commissioner’s Cup
MANILA, Philippines — May limang talo na ang Magnolia sa pitong laro nila sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Ayon kay veteran guard Mark Barroca, hindi na maaaring matalo ang Hotshots sa mga susunod nilang laro para makasampa sa quarterfinal round.
Ilang araw lang ang pahinga ng Magnolia matapos ang 92-95 kabiguan sa Barangay Ginebra sa kanilang ‘Christmas Day Clasico’.
Ngayong araw ay magbabalik sa ensayo ang Hotshots para paghandaan ang kulelat na Terrafirma (0-7) sa Enero 10.
“Nakakatakot din itong break para sa amin, eh. Kasi ngayon naghihingalo pa ‘yung team namin,” wika ni Barroca. “Baka mawala ‘yung sense of urgency.”
Matapos ang Dyip ay sunod na lalabanan ng Hotshots ang Beermen (3-3) sa Enero 12, ang Phoenix Fuel Masters (1-5) sa Enero 16, ang guest team na Hong Kong Eastern (6-2) sa Enero 26 at ang Meralco Bolts (3-2) sa Enero 31.
“So ngayon pa lang bilang professional na player, alam na namin kung ano ang gagawin sa katawan namin, alagaan namin, para pagdating sa next game namin, sharp pa rin kami,” sabi ng 38-ayos na si Barroca.
Magbabalik ang liga sa Enero 5.
- Latest