SBP tuloy sa pagtulak sa naturalization ni Boatwright
MANILA, Philippines — Tuloy ang pagsusulong ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa naturalization ni Bennie Boatwright para maging bahagi ng Gilas Pilipinas.
Bagama’t prayoridad pa rin ng Gilas Pilipinas si Justin Brownlee bilang naturalized player, nais ng SBP na mapadali na ang proseso ng naturalization ni Boatwright upang makalaro na ito sa susunod na taon.
Binabantayan din ng SBP si Boatwright na galing sa minor surgery kamakailan.
“As of now, Bennie is coming off of surgery and we don't yet know when he'll be available. Also, his naturalization process is not nearly done. There's still a lot of work left,” ani Gilas Pilipinas head coach Tim Cone.
Maganda ang rekord ni Boatwright na sanay na rin sa estilo at sistema ng Philippine basketball.
Noong naglalaro ito para sa San Miguel Beer, nagtala si Boatwright ng averages na 30.3 points, 12 rebounds at 3.5 assists upang tulungan ang Beermen na makuha ang Commissioner’s Cup title.
Nakatakdang sumalang ang Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup 2025 Qualifers na gaganapin sa Nobyembre sa Maynila.
Makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang New Zealand at Hong Kong.
At si Brownlee ang mangunguna sa ratsada ng Pinoy squad kasama ang mga local players.
“Justin Brownlee is still playing very well,” ani SBP president Al Panlilio.
Subok na ng Gilas Pilipinas si Brownlee.
Bahagi ito ng tropa na nakasungkit ng gintong medalya sa Southeast Asian Games sa Phnom Penh, Cambodia at Asian Games sa Hangzhou, China noong nakaraang taon.
Naramdaman din ang puwersa ni Brownlee sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.
- Latest