Ginang na sakay ng bangka tinamaan ng kidlat, patay
MANILA, Philippines — Isang ginang na senior citizen ang nasawi nang tamaan ng kidlat habang lulan ng bangka sa karagatang sakop ng Brgy. Mangingisda sa Puerto Princesa, Palawan, noong hapon ng Sabado.
Sa iniyal na ulat ng Coast Guard District Palawan, kasama ng ginang ang kaniyang asawa at kanilang walong taong gulang na apo nang matamaan siya ng kidlat.
Nabatid na galing umano ang pamilya sa Liberty, Puerto Princesa City at uuwi na Barangay Mangingisda nang maganap ang insidente.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Coast Guard at Philippine Navy upang sagipin ang pamilya at dalhin ang mga ito sa ospital para sa kanilang agarang medikal na pangangailangan.
Tiniyak ng Coast Guard na sa kasalukuyan, patuloy na inoobserbahan ang biyudo habang ang apo naman ay naiulat na walang natamong pinsala.
Nagpapatuloy rin ang imbestigasyon ng Coast Guard sa iba pang mga detalye ng pangyayari kaugnay ang insidente.
Ipinaaalala ng mga otoridad sa publikong iwasang pumalaot sa karagatan kapag may banta ng sama ng panahon o posibilidad ng pagkulog at pagkidlat upang maiwasang matamaan nito.
- Latest















