Tigers tumiyak ng playoff
MANILA, Philippines — Nakasiguro ng playoff para sa No. 4 seed ang University of Sto. Tomas matapos nilang kalmutin ang Adamson University, 76-63 sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena kagabi.
Dahil sa panalo, nirehistro ng Growling Tigers ang 8-6 karta kaya nanatili ang kanilang tsansa na umusad sa susunod na phase at makasilo ng korona ngayong season.
Magkasalo sa pangatlong puwesto sa team standings ang defending champion De La Salle University at Far Eastern University na may tig-8-5 baraha.
Magkatapat ang Green Archers at Tamaraws sa huli nilang laro kung saan ang matatalo ay makakalaban ng Growling Tigers sa playoff.
Manipis na isang puntos ang lamang ng Adamson sa first canto, 16-15 pero bahagyang bumalik sila sa second quarter upang umalagwa sa apat na puntos, 36-32 ang kanilang bentahe sa halftime.
Biglang nanagpang ang Growling Tigers sa third canto para agawin ang bentahe at makapundar ng malaking lamang, 63-48 papasok ng fourth quarter.
Bahagyang naibaba ng Adamson sa siyam na puntos ang hinahabol, 54-65 may 7:36 minuto pa sa payoff period.
Subalit muling lumayo ang UST, 69-55 sa tulong ni Collins Akowe may 5:05 minuto na lang sa orasan.
Hindi na makahabol ang Adamson sa fourth kaya naman tuluyan na silang namaalam sa liga.
Samantala, tinapos ng Ateneo de Manila University ang kanilang kampanya na bitbit ang panalo sa kanilang huling laro ngayong season matapos payukuin ang University of the East, 86-81.
Kinalsuhan ng Blue Eagles ang kanilang four-game losing streak upang ilista ang 6-8 baraha.
- Latest























