Earlington isasalang ng Phoenix
MANILA, Philippines — Magpaparada ng bagong import ang Phoenix para patibayin ang tsansang makapasok sa eight-team quarterfinal round ng Season 50 PBA Governors’ Cup.
Isasalang ng Fuel Masters si Cellus Earlington sa pagsagupa sa mainit na Meralco Bolts ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Converge FiberXers at sibak nang guest team Macau Giant Pandas sa alas-5:15 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kumpleto na ang apat na quarterfinalists sa Group A na kinabibilangan ng NLEX (9-2), San Miguel (8-3), TNT Tropang 5G (7-4) at Converge (6-4), habang talsik na ang Terrafirma (4-7), Titan Ultra (2-9) at Macau 92-9). Ang Magnolia (6-3) pa lamang ang swak sa quarterfinals sa Group B.
Ang 6-foot-4 3/4 power forward na si Earlington, pumalit kay BJ Johnson, ang sinasabing batang bersyon ni PBA veteran Allen Durham at inaasahang makakatulong sa Phoenix.
Target naman ng Bolts ang ikatlong sunod na panalo matapos kuryentihin ang Gin Kings, 97-88, at Bossing, 120-115, sa likod ni import Jordon Varnado.
Sa unang laro, target ng Converge ang ikaapat na dikit na ratsada laban sa Macau bago labanan ang TNT sa Linggo sa pagtatapos ng eliminations.
Hulog ang Macau sa pang-limang dikit na talo matapos ang 87-142 pagyukod sa TNT sa huli nilang laban.
- Latest


















