UP ‘di bibitaw sa liderato vs NU

MANILA, Philippines — Sisikapin ng University of the Philippines na palakasin ang pagkapit sa tuktok ng team standings sa pagharap nila sa National University sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na lalaruin sa SM Mall of Asia Arena ngayong araw.
Tangan ang malinis na dalawang panalo, pakay ng Fighting Maroons na pahabain ang kanilang winning streak sa tatlo kontra sa Bulldogs sa alas-6 ng gabi.
Sa kabila ng pagkawala ng ilang mahahalagang manlalaro mula sa kanilang championship runs noong Season 84 at 87, nananatiling matatag ang UP sa simula ng season matapos talunin ang UST, 92-85, at Ateneo, 94-75.
Malaking bagay ang isang linggong pahinga para maka-reserba ng lakas ang Fighting Maroons na ginagabayan ni head coach Goldwin Monteverde kaya paniguradong nakahanda sila sa ilalabas na bangis ng Bulldogs.
“Every game as we go along sa season, whatever we could improve on, ‘yong mga, whatever lapses or mapa-improve or mapaganda ang team, doon kami matututo and we keep moving forward doon sa next game namin,” ani Monteverde. “Hindi kami titigil sa pagtrabaho namin.”
Para sa NU bahagyang nag-relax ang koponan nang makalamang sila ng malaki sa UE, subalit nanalo pa rin kaya nilista nila ang 1-1 karta.
“Noong third quarter [against UE], medyo nakuntento kasi we’re leading big. So ‘yong mindset na gano’n ang kailangan naming ma-correct. Kasi coming on next Saturday, malakas yong kalaban namin,” ani NU mentor Jeff Napa.
Magtatapat naman sa alas-12 ng tanghali ang Ateneo de Manila University at Adamson habang maghaharap ang UE at FEU sa alas-2:30 ng hapon.
- Latest





















