Eala umakyat sa No. 20 sa world rankings

MANILA, Philippines — Sumulong si Alex Eala sa panibagong career-high na No. 20 sa world rankings matapos magkampeon sa katatapos na WTA 500 Mubadala D.C. Open kahapon sa Washington D.C.
Sa inilabas na bagong listahan ng Women’s Tennis Association (WTA) official rankings, umangat si Eala ng walong puntos mula sa kanyang dating puwesto na No. 28.
Nagawang makalikom ng 500 puntos ni Eala matapos patumbahin si top seed Jessica Pegula ng Amerika sa pamamagitan ng 4-6, 6-4, 6-0 panalo para masungkit ang kanyang kauna-unahang WTA 500 crown.
Mayroon nang kabuuang 2,106 puntos si Eala.
“Standing here in the middle of all this love, my first chance at the title knowing it won’t be my last,” ani Eala.
Masaya si Eala sa tinatamasa nitong tagumpay bilang kauna-unahang Pinay na nakasungkit ng WTA 500 crown.
“And already having achieved this feat and this milestone for my career, I knew that whatever would have happened after this match, it would have already been a win for me so thank you everybody and I really look forward to seeing you guys again,” ani Eala.
Nangunguna sa WTA rankings si Aryna Sabalenka na may 8,550 points kasunod sina Elena Rybakina na may 8,056 at Pegula na may 6,625.
Ikaapat naman si Coco Gauff na may 5,649 points kabuntot sina Mirra Andreeva (5,293), Karolina Muchova (5,168), Linda Noskova (5,016), Iga Swiatek (4,539), Svitolina (4,459), at Amanda Anisimova (4,353).
- Latest






















