PNP inutos mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan

MANILA, Philippines — Kasunod ng stabbing, shooting incident Inutos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng police commanders sa bansa na higpitan ang mga hakbang sa seguridad sa paligid ng mga paaralan kasunod ng magkahiwalay na insidente ng pananaksak at pamamaril sa mga campus sa Cavite at Tacloban City.
Sa flag-raising ceremony ng PNP sa Camp Crame nitong Lunes, sinabi ni Nartatez na dapat paigtingin ng mga pulis ang kanilang presensya sa paligid ng mga paaralan, dagdagan ang mga preventive patrol, magsagawa ng masusing security assessments, at palakasin ang koordinasyon sa mga school authorities, lokal na pamahalaan, mga magulang, at iba pang stakeholder sa komunidad.
Samantala, ipinaliwanag ni PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co na may umiiral na patakaran na naglilimita sa pagpasok ng mga pulis sa loob ng mga paaralan upang mapanatili ang mga ito bilang mga “zone of peace.”
Gayunman, nakipag-ugnayan na ang PNP sa Department of Education (DepEd) at sa mga local government units para sa mga kagamitang pangseguridad gaya ng X-ray machines, metal detectors, at karagdagang security personnel at mabantayan ang mga pumapasok sa mga paaralan.
Isa rin sa mga nakikitang solusyon ay ang pagtatalaga ng mga barangay tanod upang tumulong sa pagbabantay at pag-screen sa mga pumapasok sa school premises, partikular upang maiwasan ang pagpasok ng mga armas at iba pang mapanganib na bagay.
- Latest
















