EDITORYAL - Palayain sa kahirapan at mga pulitikong kurakot
Ipinagdiriwang ngayon ang ika-128 taon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa kamay ng mga Kastila. Ngunit sa likod ng mga makukulay na parada at matatamis na talumpati ng mga pulitiko, umaalingawngaw ang masakit na katanungan: Malaya nga ba talaga ang Pilipinas?
Malinaw na bihag pa rin ang mga maliliit na Pilipino ng korapsiyon, kahirapan at sistemang pinabubulok ng kapabayaan at usad-pagong na burukrasya. Malaya bang maituturing kung ang mismong ang karapatan nilang mabuhay nang ligtas ay pinagkakait ng marurupok na imprastraktura? Kamakailan lang, niyanig ng magnitude 7.8 na lindol ang Mindanao. Sa halip na maging kanlungan, naging libingan at banta sa buhay ang mga gumuho at napinsalang gusali. Nakakagapos sa takot ang katotohanang hindi handa sa sakuna, at hanggang ngayon, nakakulong sa kultura ng reaction sa halip na prevention.
Sinasabi na ang edukasyon ang susi upang lumaya sa kahirapan, ngunit paano makakalaya ang ating mga kabataan kung pinagkakasya sila sa mga pasilidad na kulang at mapanganib? Sa Central Visayas pa lamang, 10,000 silid-aralan ang kulang. Napipilitang mag-double shift ang mga estudyante hindi dahil walang pondo, dahil inaalipin tayo ng matinding red tape. Hanggang ngayon, wala pang nasisimulang bagong proyekto. Ang bawat naantalang silid-aralan ay isang ninakaw na kinabukasan para sa isang batang Pilipino.
Gayunpaman, sa kabila ng mga tanikalang ito, may nakikitang liwanag ng pag-asa. Ang pagpasa ng Freedom of Information (FOI) Bill sa Kamara ay isang konkretong hakbang patungo sa tunay na kalayaan, ang paglaya mula sa kultura ng paglilihim at panlilinlang na matagal naging panangga ng mga tiwali. Kapag tulu–yang naisabatas at nagamit ito nang tama ng taumbayan upang usisain ang bawat kontrata at proyekto tulad ng flood control programs, unti-unti nating mababali ang mga rehas ng korapsiyon.
Ang kalayaan ay hindi isang tropeo na napanalunan noong 1898 na maaari na lang nating ipagdiwang taun-taon nang walang ginagawa. Ito ay isang pang-araw-araw na himagsikan.
Ngayon, ang laban ng taumbayan ay wala na sa mga larangan ng digmaan, kundi nasa paghingi ng pananagutan sa mga lider ng bansa, sa pagpuksa sa red tape na pumapatay sa mga serbisyo publiko, at sa pagtindig para sa karapatang malaman ang katotohanan. Hangga’t tinatanggap ng mga Pilipino ang kapabayaan bilang “normal”, mananatiling mga alipin sa sariling bayan. At kapag nagising na at naputol ang mga tanikalang ito, doon lamang tunay na maipagdiriwang ang Araw ng Kalayaan nang may purong dangal at kagalakan. Ito ang tunay na kahulugan ng paglaya.
- Latest















