Hot Babes reunion, walang atrasan!

Tuloy na tuloy na ang reunion concert ng all-female group na Viva Hot Babes.
Gaganapin ang Bulaklak: Viva Hot Babes Reunion sa Oktubre 23 sa New Frontier Theatre.
Binubuo ang grupo nina Katya Santos, Andrea del Rosario, Jen Rosendahl, Gwen Garci, Jaycee Parker, Jennifer Lee, Sheree Bautista, Asia Agcaoili at Maui Taylor.
Tila na-inspire umano ang Viva Hot Babes sa matagumpay na muling pagsasama ng SexBomb Girls matapos ang mainit na pagtanggap sa kanila ng publiko.
Hiningan ng reaksyon sina Maui, Katya at Andrea tungkol sa duda ng ilang netizens kung magiging matagumpay nga ba ang kanilang reunion concert at kung malalampasan nila ang SexBomb Girls.
Nilinaw nila na maganda ang samahan nila sa SexBomb Girls. Sa katunayan, inimbitahan umano sila ng SexBomb Girls sa reunion concert ng mga ito, pero hindi sila nakadalo dahil hindi sila kumpleto.
Kaya naman, ayon kay Andrea, sila naman ang nag-imbita sa SexBomb para sa kanilang nalalapit na reunion concert.
Nilinaw naman ni Katya na walang kumpetisyon sa pagitan nila at ng SexBomb Girls dahil magkakaibigan sila noon pa man.
Nabuo ang Viva Hot Babes noong 2003 at sumikat ang grupo dahil sa paggawa nila ng sexy movies tulad ng Gamitan, Sukdulan, Lupe, First Time, Sex Drive at Torotot; mga home video na Hot Babes Gone Wild, Erotica: Lessons of the Flesh; pagiging calendar girls; cover girls ng FHM at pag-perform nila sa live shows.
Nagkaroon din sila ng hit singles na Kikay at Bulaklak na nagawaran ng Platinum Record Award.
Naging parte rin ng Viva Hot Babes sina Myles Hernandez, Kristine Jaca, Hazel Cabrera, Jaycee Parker, Ella V., Anna Leah Javier, R’U Miranda, Zara Lopez, Katrina Gonzales, Sachie Sanders, Scarlet Garcia, Precious Adona at Alyssa Alano.
- Latest























