Pinay spikers luhod sa Kazakhs
MANILA, Philippines — Humataw si Angel Canino ng game-high 24 points, habang may 20 markers si Alyssa Solomon sa 29-27, 24-26, 23-25, 19-25 pagyukod ng Alas Pilipinas sa Kazakhstan sa 20th Asian Games women’s indoor volleyball competition kahapon sa Okazaki Chuo Sogo Park Gym sa Aichi, Japan.
Ang ikalawang sunod na talo ng mga Pinay spikers sa Pool B ang tuluyan nang naglaglag sa kanila para sa quarterfinal berth.
Nagdagdag si Eya Laure ng pitong puntos at may tig-apat na marka sina Bella Belen, Dell Palomata, Thea Gagate at Amie Provido.
Nagmula ang Alas sa 18-25, 22-25, 8-25 kabiguan sa defending champion at nine-time gold medalist China tampok ang 14 points ni Canino noong Miyerkules.
Swak ang China at Kazakhstan, parehong may 1-0 marka, sa knockout quarterfinals stage.
Apat na Kazakhs ang pumalo ng double digits sa pangunguna ni Tatyana Nikitina na may 19 points, habang may 17, 14 at 12 markers sina Zhanna Syroyeshkina, Polina Ufimtseva at Kristina Belova, ayon sa pagkakasunod.
Ang running attack ni Canino ang naglagay sa Alas sa 28-27 set point kasunod ang crosscourt hit ni Laure para sa kanilang 29-27 panalo sa first set.
Nakalusot ang Kazakhstan sa second at third frame bago dominahin ang fourth set, 25-19, para selyuhan ang four-set victory.
Sa pagkakatalsik sa quarterfinals, tututok ang Alas sa kanilang laro sa classification round kung saan ang pang-siyam na puwesto ang maaaring pinakamataas na makuha ng tropa.
- Latest


















