Lyceum, Arellano maghahabol sa NCAA Final Four ticket
MANILA, Philippines — Kapwa bubuhayin ng Lyceum of the Philippines University at Arellano University ang kanilang mga pag-asa sa Final Four sa pagpapatuloy ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Pirates ang San Sebastian Stags ngayong alas-11 ng umaga, habang haharapin ng Chiefs ang Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Inangkin ng College of St. Benilde at Mapua University ang unang dalawang silya sa Final Four sa kanilang 12-2 at 11-3 baraha, ayon sa pagkakasunod.
Dalawang tiket pa ang natitira.
Ang No. 1 at No. 2 teams sa Final Four ang bibigyan ng ‘twice-to-beat’ incentive kontra sa No. 4 at No. 3 squads, ayon sa pagkakasunod.
Nasa ilalim ng St. Benilde at Mapua ang nagdedepensang San Beda University (9-5), Emilio Aguinaldo College (7-7), Letran (7-8), Lyceum (6-8), Perpetual Help (6-9), Arellano (5-9), Jose Rizal (4-10) at San Sebastian (4-10).
Laglag ang Pirates sa three-game losing slump, habang target ng Stags ang unang back-to-back wins matapos talunin ang Chiefs, 88-75, sa huli nilang laro.
Samantala, nagmula rin sa kabiguan ang Chiefs at Heavy Bombers bago ang kanilang bakbakan.
Yumukod ang Jose Rizal sa San Beda, 70-83, sa huli nilang salang.
- Latest