Bagitong parak utas sa sariling baril

Sapol ng bala sa noo
MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang 27-anyos na pulis nang aksidenteng pumutok ang kanyang baril na tumama sa kaniyang noo habang nag-iinuman sa Brgy. Caranoche, Sta.Catalina, Negros Oriental nitong Biyernes.
Ang nasawing pulis ay kinilalang si Patrolman Leonard James Fajardo, nakatalaga sa Regional Holding and Account- ing Section (RHAS) ng Police Regional Office-Negros Island Region.
Nabatid na ang biktima ay katatapos ng Basic Internal Security Operations Course nitong Nobyembre 10 sa ilalim ng Regional Special Training Unit-Negros Island Region training site sa Brgy. Kabukalan ng lungsod at ipinagdiriwang ang okasyon kasama ng mga kaibigan nitong pulis.
Sa ulat ng Negros Oriental Provincial Police Office (PPO) nangyari ang insidente, alas-12:00 ng hatinggabi habang nakikipag-inuman ang biktima sa mga kasamahan nitong nagsipagtapos.
Lumalabas sa imbestigasyon, nasa impluwensya ng alak ang biktima nang bunutin nito ang kaniyang cal 9 MM service pistol at magsagawa ng demonstrasyon kung paano umano ito mabilis na gamitin sa mga panahon ng emergency sa kanilang trabaho.
Gayunman, aksidenteng nakalabit ng biktima ang gatilyo ng armas habang hawak ito na sumapul sa noo nito na duguang bumulagta sa insidente.
Mabilis na isinugod sa Bayawan District Hospital ang biktima pero idineklara na itong dead-on-arrival, alas-12:30 ng madaling araw nitong Sabado.
Pinayuhan ng Negros Oriental PPO ang mga opisyal at tauhan nito na obserbahan ang tamang protocols sa paghawak ng armas lalo na sa mga insidente ng inuman.
- Latest



















