SMB pinuwersa GSM sa Game 5

MANILA, Philippines — Bumalikwas ang San Miguel mula sa isang 17-point deficit sa third quarter para lasingin ang Barangay Ginebra, 108-102, sa Game Four at humirit ng ‘sudden death’ Game Five sa Season 50 PBA Governors’ Cup quarterfinals series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Itinabla ng Beermen sa 2-2 ang kanilang best-of-five showdown ng Gin Kings para pag-agawan ang semifinals ticket sa Game Five sa Martes.
Ang mananalo ang maghahamon sa nagdedepensang TNT Tropang 5G sa isang best-of-five duel.
Humakot si import George King ng 35 points, 15 rebounds at limang assists para banderahan ang San Miguel, habang may 20, 14 at 11 markers sina Chris Ross, CJ Perez at Don Trollano, ayon sa pagkakasunod.
“We’re down by 17 points and we were able to comeback and stepped up on our defense,” sabi ni coach Leo Austria. “We had a lead of 20 points but there are times na nag-relax na eh because of that lead.”
Isinara ng Ginebra ang first half bitbit ang 55-41 bentahe bago ito pinalaki sa 61-44 mula sa layup ni import Jordan Murphy sa pagsisimula ng third period.
Hindi sumuko ang San Miguel, at sa likod nina King, Ross, Perez at Marcio Lassiter ay isang 22-0 bomba ang kanilang inihulog para agawin ang 66-61 bentahe sa 6:12 minuto nito.
Tuluyan nang nakawala ang Beermen sa pagtatayo ng isang 21-point lead, 98-79 mula sa free throw ni King sa 7:52 minuto ng fourth quarter.
- Latest




















