Andrée de Jongh, batang bayani ng sangkatauhan
1941, pumasok si Andrée de Jongh, 24, sa British consulate sa Bilbao, Spain. Kasama niya ang isang sundalong Belgian at isang Scottish pilot. Ipinuslit niya umano sila mula Belgium na okupado ng Nazis. Nakagawa umano siya ng rutang pagtakas 1,000 milya ang layo. At marami pa raw siyang maitatakas.
Nagduda ang British legation. Tumelegrama sila sa London. Malamang espiya ‘yan ng Germans, sagot ng mga nakatataas.
Buo ang loob ni Andrée. Tatlumpu’t-tatlong beses pa siya bumalik sa British consulate sa Bilbao. Marami siyang niligtas na mga sundalong Allies. Mula Belgium tumatawid sila sa France sa tren, kotse, o karomata.
Pinakamahirap, pinaka-peligroso ang pag-akyat sa bundok ng Pyrenees. Dalawang gabing lakad ito. Matarik ang landas. Puno ng snow kapag winter; maputik at madulas kapag tag-ulan. “Basta lakad lang tayo,” tinutulak niya ang mga sundalo na kadalasan ay sugatan.
Nabatid ng British na seryoso si Andrée. Binigyan siya ng code name na “Dedee” at pinondohan. Lahat-lahat, 118 ang nailigtas niya.
1943, nabihag si Andrée ng German police sa France. Brutal ang interogasyon ng Gestapo. Tinitigan lang niya sila at sinabing mag-isa niya plinano ang rutang pagtakas.
Hindi sila naniwala. Kaya imbis na agad patayin, pinadala siya sa concentration camps, una sa Ravensbrück, tapos sa Mauthausen. Nagkasakit at muntik mamatay doon si Andrée sa edad-26.
1945, niligtas at pinalaya ng Allies sina Andrée. Agad pinaulanan siya ng medalya at pagkilala ng Belgium, Britain, at Amerika. Pakumbaba tinanggap ito ni Andrée.
Tapos, nag-impake siya at tumungo sa Africa para alagaan ang mga may sakit at ketongin. Iginugol ni Andrée ang buhay sa pagsisilbi sa mga kapos-palad. Bakit, tinanong siya minsan. “Ang mga pinalad ay dapat magsoli,” aniya.
- Latest















