Pamilya Duterte walang ‘links’ sa Laos drug shipment — Remulla
MANILA, Philippines — Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na walang kaugnayan ang pamilya Duterte sa nabigong pagpupuslit ng 521 kilo ng shabu mula Laos patungong Mindanao.
Ayon kay Remulla, wala silang nakitang koneksiyon ng pamilya Duterte sa tangkang pagpupuslit ng droga na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon.
Gayunman, sinabi ni Remulla na matagal nang magkakilala at magkaalyado sa pulitika ang mga Duterte at si dating Bangsamoro Parliament member Edriezan Hadji Nasser Rimbang, na tinukoy niyang umano’y sangkot sa tangkang pagpupuslit. Hindi pa tumutugon si Rimbang sa naturang alegasyon.
Kinuwestiyon din ng kalihim kung bakit hindi isinama si Rimbang sa drug watch list noong administrasyong Duterte, gayong umano’y matagal na itong kilala bilang sangkot sa ilegal na droga.
Inihambing ni Remulla ang kaso ni Rimbang sa dating Iloilo City Mayor at kasalukuyang DILG Undersecretary Jed Mabilog, na isinama umano sa drug watch list kahit wala naman itong kinalaman sa ilegal na droga.
Ayon kay Remulla, binayaran umano ni Rimbang si Police Master Sergeant Aileen Jane Manalo Mendoza para sa landing rights at paggamit ng pribadong hangar na paglalapagan sana ng eroplanong may kargang shabu noong huling linggo ng Setyembre. Si Capt. Rioklyn Toledo, alyas “Boyet”, naman umano ang kumuha sa eroplano at nag-ayos sa paglipad nito mula Malaysia patungong Laos.
- Latest





















