Ina, pinangaralan ang 14-anyos na anak, sinaksak
MANILA, Philippines — Isang 37-anyos na ina ang nasugatan nang siya ay saksakin ng kaniyang 14-anyos na anak na nagalit nang pagsabihan nitong mag-aral sa halip na ubusin ang oras sa pakikibarkada, naganap sa Brgy. 2, Laoag City, Ilocos Norte, nitong Miyerkules.
Base sa report ng Ilocos Norte Provincial Police Office (PPO), bago naganap ang insidente, alas-12:50 ng tanghali sa loob ng bahay ng pamilya ay nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-ina nang mairita at sigawan ng anak ang ina nang pagsabihan siyang iprayoridad ang pag-aaral at bawasan ng sobrang pakikipagbarkada na nauwi sa pagtatalo.
Umakyat sa ikalawang palapag ang ginang na sinundan ng anak upang kausapin pero habang nag-uusap ay bumunot ito ng patalim at sinaksak sa tiyan ang ina.
Habang sumisigaw ng saklolo ang ina ay muli itong sinaksak sa dibdib ng kaniyang anak.
Ang ginang ay mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas. Narekober ng pulisya sa pinangyarihan insidente ang patalim na ginamit ng binatilyo sa pananaksak sa ina.
Dinala naman ng mga operatiba ng pulisya ang binatilyo at isinailalim sa imbestigasyon.
- Latest





















