Lyca, ibang-iba na ang buhay ngayon!

Taong 2014 noong unang nakilala si Lyca Gairanod bilang grand champion ng The Voice Kids.
Mula noon ay nagtuluy-tuloy na si Lyca sa pagiging aktres at singer. Taong 2015 naman nang unang iparinig ng singer sa publiko ang kantang Puede Nang Mangarap na sikat na sikat ngayon sa social media. “No’ng time na nire-record ko po ‘yon, very inspiring song po siya. Siyempre no’ng bata ako, ‘Ang saya naman ng kanta na ‘yan.’ Hindi ko pa masyado naano (naintindihan) kung ano ang gustong ipahiwatig ng kanta. No’ng time na ni-record ko siya, nag-enjoy lang po ako,” nakangiting kwento sa amin ni Lyca sa Fast Talk with Boy Abunda.
Tumatak sa mga manonood ang payak na pamumuhay sa Cavite ng batang singer noon.
Mula nang sumabak sa show business ay talagang malaki na ang ipinagbago sa pamumuhay ng pamilya ni Lyca. “Sobrang laki po, Tito Boy. Simula po no’ng nag-The Voice po ako. Nai-release ko po ‘yung kantang Puede Nang Mangarap, sobrang laking pagbabago po sa buhay ko. When it comes to family, financially, and ‘yung pagmamahal sa pamilya.
“Ang saya-saya pala namin kahit gano’n ‘yung buhay namin noon. Iba na kasi ngayon. Nabibili ko ‘yung mga gusto nila. Nabibigay ko ‘yung para sa family ko. Hindi ko ma-imagine na hahantong pala ako sa ganitong buhay,” paglalahad ng singer-actress.
Anim na taong gulang pa lamang noon si Lyca nang mangarap na maging isang tanyag na mang-aawit. Hindi raw inakala ng bata pa lamang noon na magkakatotoo ang kanyang pangarap. “Gusto ko po talagang maging sikat na singer. ‘Yan po talaga ang pangarap ko. Nilu-look up ko po sina Ate Sarah (Geronimo), Ms. Regine (Velasquez), Aegis, kahit makasama ko lang po sila, okay na po ako. ‘Yung maka-duet sila, okay na po ako. Parang feeling ko, kilala na ako. Pero hindi ko po akalain na hahantong ako sa ganito,” pagbabahagi niya.
Samantala, masaya si Lyca sa kanyang buhay pag-ibig. Si Kyle Walle ang kauna-unahang naging kasintahan ng dalaga.
Sa TikTok nagkakilala ang dalawa at naging opisyal na magkasintahan noong March, 2022. “Okay naman po siya and masaya po kami. Sa relationship po namin, lagi naming sinasabi na si God ang magiging sentro namin. When it comes sa love, sa mga decision. Mas okay kami na private lang, hindi po kami showy masyado,” pagtatapat ng dalaga.
Hindi naging hadlang sa relasyon ng magkasintahan ang pagiging sikat ni Lyca.
Aminado naman si Lyca na siya ang selosa sa kanilang dalawa. “Ay! Opo, sobrang OA ko po magselos talaga. Minsan may ka-chat siya noon, babasahin ko pa. ‘Bakit ka nag-I love you dito?’ Gano’n ako, ibabalik ko ‘yung dati para makahanap lang ng away. Iyak-iyak pa ako konti. Wala lang, gusto ko lang ng away. Sa mga tao, maganda naman po ang ipinapakita namin sa kanila. Kapag may problem kami, hindi naman kailangang i-open pa sa ibang tao. Kaya po naming i-keep ‘yon na sa amin lang. Kapag nakikita kami ng tao, masaya lang. Kasi ‘yon po kami eh, natural lang,” masayang kwento ni Lyca.
(Reports from JCC)
- Latest






















