Trike driver hinarang, tinadtad; ulo halos humiwalay!
Lalaking may samurai nag-amok sa daan
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Nagmistulang kinatay na hayop ang katawan ng isang 44-anyos na magsasaka matapos na pagsasaksakin at pagtatagain hanggang mamatay ng isang lalaki na nag-amok sa Barangay Villa Victoria, Gumaca, Quezon kamakalawa ng hapon.
Sa imbestigasyon ng Gumaca Police, alas-4:40 ng hapon habang minamaneho ng biktimang si Dante ang kaniyang tricycle mula Barangay Manlayaan patungong Barangay M.H. Del Pilar nang atakihin ng suspek na si alyas Alex.
Ayon sa pulisya, bago ang insidente ay tinangka umanong habulin at pagtatagain ng suspek ang mga sakay ng isang naunang tricycle na dumaan sa lugar, ngunit hindi niya ito naabutan.
Nang dumating naman ang tricycle ng biktima, rito na siya tinarget ng suspek at ibinaling dito ang kaniyang galit.
Hinarang ng suspek ang biktima bago paulit-ulit na inatake gamit ang hawak nitong samurai. Halos humiwalay na ang ulo at mga kamay ng biktima nang tigilan ng suspek sa pananaksak at pananaga.
Matapos isagawa ang krimen, tumakas ang suspek na tinutugis na ng mga tauhan ng Gumaca Police.
- Latest
















