Obiena dedepensahan Asian Games crown
MANILA, Philippines — Pakay ni two-time Olympian EJ Obiena na maipagtanggol ang kanyang titulo sa 2026 Asian Games men’s pole vault competitions na aarangkada ngayong araw sa Nagoya, Japan.
Lalarga ang event sa alas-5:20 ng hapon sa Nagoya City Mizuho Park Athletic Stadium kung saan paboritong magwagi ang Pinoy bet dahil sa matikas na kampanya nito sa season na ito.
May 11 pole vaulters mula sa iba’t ibang bansa ang magtatangkang hubaran ng korona si Obiena.
Ngunit handa si Obiena na ilabas ang bagsik nito upang masigurong hindi makakawala sa kanya ang gintong medalya.
“One more for this season. Asian Games tomorrow at 18:20 local time,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Nasungkit ni Obiena ang gintong medalya noong 2023 Asian Games sa Hangzhou, China matapos itarak ang bagong Asian Games record na 5.90 metro.
Kaya naman desidido si Obiena na malampasan ito lalo pa’t hawak din ni Obiena ang Asian record na 6.0 metro.
Sa season na ito, nakuha ni Obiena ang kanyang season best na 5.91m nang maibulsa nito ang ginto sa Golden Sand Meet sa Poland noong Agosto.
Mayroon din itong 5.90m sa Zurich Diamond League na siyang naging daan para masikwat ang silya sa World Athletics Championships sa susunod na taon.
Mapapalaban si Obiena sa matitikas na pole vaulters sa rehiyon kabilang na si Li Chen Yang ng China at Seifeldin Abdelsalam ng Qatar.
Magsisilbing tinik din si Patsapong Amsamarng ng Thailand na silver medalist sa 2025 Southeast Asian Games sa Bangkok.
Lalahok din sina Masaki Ejima a Tomoya Karasawa ng host Japan, Yao Jie ng China, Kuldeep Kumar at Dev Kumar Meena ng India, Hussain Al Hizam ng Saudi Arabia, at sina Huang Yong-fu at Wu Yan-han ng Chinese-Taipei.
Posibleng ito na ang huling Asian Games ni Obiena kaya’t asahang mas magiging agresibo ito upang maging maganda ang kanyang exit sa quadrennial meet.
- Latest



















