DILG air assets ipamahagi sa PNP
MANILA, Philippines — Upang mas mabilis na makaresponde sa mga sakuna, labanan ang krimen at protektahan ang kalikasan ay hinimok ni Senador Erwin Tulfo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na palakasin at ipamahagi sa iba’t ibang rehiyon ang mga aerial assets ng Philippine National Police (PNP). Sa ginanap na budget briefing ng DILG para sa pondo ng 2027, binigyang-diin ni Tulfo ang matinding pangangailangan sa mabilis na pagresponde mula sa himpapawid, lalo na sa mga malalayong lugar na talamak ang illegal logging at kaingin, tulad ng Palawan at Sierra Madre.
Tinanong din ni Tulfo kung may plano ang PNP na madagdagan ang air assets para sa mas mabilis na pagresponde tulad sa matinding trapiko sa Metro Manila na mas magiging mabilis ang paggalaw kung may magagamit na sasakuang pangkalahatan sa himpapawid.
Isinulong nito ang pagpapadala ng mga helicopter ng PNP sa mga probinsya tulad ng Cebu, Davao, at La Union sa halip na nakatambak lamang sa Maynila, upang agad magamit sa search and rescue operations, sakuna, at medical evacuation.
Inirekomenda rin ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang pagbili ng mga specialized utility helicopter na may kakayahang magbaba ng tao gamit ang lubid at magamit sa medical evacuation, kapalit ng mga kasalukuyang pampasaherong helicopter na hindi angkop sa ganitong operasyon.
- Latest


















