Walang Sotto sa Asian Games

MANILA, Philippines — Hindi maglalaro si Kai Sotto para sa Gilas Pilipinas sa 2026 Asian Games na nakatakdang umarangkada sa susunod na linggo sa Nagoya, Japan.
Ito ang sinabi ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone kung saan hindi makakasama si Sotto sa pagdepensa ng Gilas sa korona nito sa Asian Games.
“No chance. He has other plans,” ani Cone.
May 12 players ang ipaparada ng Gilas Pilipinas sa Asian Games.
Isa rito ay nakalaan para kina Sotto at naturalized player Justin Brownlee sakaling bigla itong sumulpot para maglaro sa Asian Games.
Kung hindi darating si Brownlee, mapipilitan ang Gilas Pilipinas na maglaro ng 11 players lamang.
Malaking tulong sana si Sotto sa Gilas kung maglalaro ito sa Asian Games lalo pa’t maganda ang ipinamalas nito sa katatapos na second round ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nagtala si Sotto ng averages na 15.5 points, 15 rebounds at 3.0 assists sa dalawang panalo ng Gilas kontra sa Jordan at Iran.
Ngunit may ibang plano si Sotto.
Tila mauudlot ang paglalaro nito sa US NCAA matapos maglabasan ang ulat na hindi na ito maaring makapaglaro sa collegiate league dahil naglaro na ito sa professional leagues sa Japan at Australia.
Ito sana ang magiging daan ni Sotto para makapasok sa NBA.
Kaya naman posibleng humahanap ng ibang paraan ang kampo ni Sotto.
Magsisimula ang kampanya ng Gilas sa Asiad sa Setyembre 11 laban sa Bahrain kasunod ang Kazakhstan sa Setyembre 12 at China sa Setyembre 14.
- Latest


















