Larawan ni Ortonio na may earpiece, AI-generated - Chiz

MANILA, Philippines — Isang AI-generated ang mga kumakalat sa social media na larawan umano ni hostile witness Lemuel Ortonio na may suot na earpiece.
“Hindi totoo ‘yung lumalabas na mga litrato na mayroon umanong earpiece si Mr. Ortonio. ‘Yun po ay AI,” wika ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero sa pagsisimula ng Day 20 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Dagdag pa ni Escudero na ang nakita sa tainga ni Ortonio ay ear piercing sa front fold helix, at hindi earpiece.
Si Ortonio, Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff ng Office of the Vice President (OVP) ay tumestigo noong nakaraang linggo hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ni Duterte.
Binigyang-diin naman ni Escudero na lahat ng testigo ay dapat magsalita batay lamang sa kanilang sariling kaalaman at walang coaching o impluwensya mula sa abogado o ibang tao.
Dahil dito, ipinagbawal ni Escudero ang paggamit ng anumang klase ng listening devices at gadgets para sa mga tatayo bilang testigo sa impeachment trial.
Bago simulan ang Day 20 ng pagdinig, nilinaw ng Presiding Officer na walang ginamit na anumang ilegal na kagamitan si Ortonio.
Bagaman napatunayang gawa-gawa lamang ang kumalat na larawan, ginamit ito ng impeachment court upang maglatag nang mas mahigpit na alituntunin laban sa coaching o pagbibigay ng tulong sa sinumang tetestigo.
- Latest















