SSS Lite Loan, bukas sa mga miyembro

MANILA, Philippines — Pormal nang binuksan ng Social Security System (SSS) ang Microloan Program o SSS Lite Loan para sa mga miyembrong nangangailangan ng dagdag na pondo para sa panandaliang pangangailangan at emergency. Sa ilalim nito, maaaring makahiram ng P1,000 hanggang P20,000 ang mga kwalipikadong miyembro kahit may kasalukuyang loan, basta’t may kakayahan silang bayaran ang bagong utang.
May 8 porsiyentong interes kada buwan ang SSS Lite Loan at kailangang bayaran sa loob ng 90 araw o tatlong buwan. Maaaring mag-apply ang mga miyembro sa pamamagitan ng digital platforms ng mga partner financial institution, kabilang ang UnionDigital Bank, RCBC, LandBank at UnionBank of the Philippines.
Kailangan lamang na may hindi bababa sa 12 buwanang kontribusyon ang miyembro upang maging kwalipikado at hindi na kailangan ng employer’s certificate. Hindi naman saklaw ng programa ang mga pensioner dahil mayroon silang hiwalay na Pensioners’ Loan Program.
Ayon kay SSS President at CEO Joseph de Claro, hanggang Agosto 27, 2026, nakapagpalabas na ang ahensiya ng P11.3 bilyong pautang sa humigit-kumulang 700,000 miyembrong naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad.
- Latest


















