Vietnam binawian ng Alas Women

MANILA, Philippines — Sa wakas, matapos ang apat na sunod na kamalasan ay nakatikim na rin ng panalo ang Alas Pilipinas sa 6th Southeast Asia (SEA) V Cup Women’s Volleyball.
Niresbakan ng mga Pinay spikers ang Vietnam, 22-25, 25-23, 25-21, 25-22, sa Leg 2 kahapon sa 700th Anniversary Chiang Mai Sports Complex sa Chiang Mai, Thailand.
Ito ang unang panalo ng Alas Women sa Vietnam matapos ang pitong taon o simula noong 2019.
Huling tinalo ng Nationals ang mga Vietnamese sa ASEAN Grand Prix noong 2019 na pumigil sa kanilang 15-game losing slump.
Bumida sina Bella Belen, Eya Laure at Leg 1 Best Opposite Spiker Alyssa Solomon para makaganti sa nauna nilang 27-29, 17-25, 25-20, 18-25 kabiguan sa mga Vietnamese sa Leg 1 sa Hanoi.
Humataw si Eya Laure ng 22 points, habang may 17, 16 at 10 markers sina Solomon, Belen at Thea Gagate, ayon sa pagkakasunod.
Tumipa si team captain Jia De Guzman ng 26 excellent sets.
Nagmula rin ang tropa ni Japanese coach Taka Minowa sa 19-25, 17-25, 19-25 pagyukod sa Leg 1 winner Thailand noong Biyernes.
Matapos kunin ng Vietnam ang first set, 25-22, ay inagaw ng Alas Women ang second at third set para ilista ang 2-1 bentahe sa laro.
Ipinoste ng mga Pinay hitters ang malaking 19-13 bentahe sa fourth set bago nakatabla ang mga Vietnamese sa 22-22 sa likod ni star player Tran Thi Thanh Thuy na kumamada ng 22 points.
Laglag ang Vietnam sa 0-2 matapos ang silver medal finish sa Leg 1.
- Latest



















