Pastor inambus ng tandem, todas!

MANILA, Philippines — Bulagta ang isang pastor na miyembro ng isang tribo habang sugatan ang kasama nito makaraan silang tambangan at paulanan ng bala ng riding-in-tandem sa San Francisco, Agusan del Sur, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Balvino Andaya, 61-anyos, pastor ng Risen Christ Community Church; na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang ang sugatan ay si Avelino Cajandig, 59, kasapi ng Banwaon Manobo Talaandig Tribal Council (BAMATa-TC).
Sa report ng Agusan del Sur Police, nangyari ang pananambang sa mga biktima sa kahabaan ng highway ng Brgy. del Monte, Talacogon, Agusan del Sur nitong nakalipas na linggo. Lulan ang mga biktima ng isang Mitsubishi Montero Sport na galing sa Brgy. del Monte, Talacogon, Agudan del Sur nang sundan at pagbabarilin ng mga armadong salarin pagsapit sa nasabing lugar.
Bunga nito, nagpagewang-gewang ang takbo ng behikulo ng mga biktima sa kalsada hanggang sa sumalpok ito sa tabi ng isang sari-sari store habang mabilis namang nagsitakas ang mga salarin.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Police Regional Office (PRO) 13 director P/Brig. Gen. Marcial Mariano Magistrado IV ang masusing imbestigasyon sa kasong ito upang matukoy ang motibo ng krimen at masakote ang mga salarin.
- Latest






















