Blackwater nakuryente sa Meralco

MANILA, Philippines — Kinuryente ng Meralco ang Blackwater, 116-114, para sa kanilang ikalawang sunod na ratsada sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humakot si balik-import Antonio Hester ng 25 points at 12 rebounds para sa 2-1 record ng Bolts sa Group B, habang may tig-16 markers sina Chris Banchero at Chris Newsome.
“They’re playing really well right now, they were undefeated. They’re a tough team, but I’m glad we got the job done,” ani Banchero na pumukol ng tatlong four-point shots.
Ang kanyang krusyal na rebound ang nagresulta sa winning basket ni Newsome sa huling 3.9 segundo ng fourth quarter.
Nabalewala ang pagbangon ng Bossing mula sa isang 18-point deficit sa fourth period nang magkaroon ng turnover si guard RK Ilagan sa kanilang posesyon para malasap ang unang kabiguan matapos ang 2-0 panimula sa torneo.
Nagdagdag si CJ Cansino ng 15 points at may 14 markers si Cliff Hodge para sa Meralco na itinayo ang 110-92 bentahe sa 7:33 minuto ng final canto mula sa ikatlong 4-pointer ni Banchero.
Nakabangon ang Blackwater at nakatabla sa 114-114 galing sa jumper ni Ilagan sa huling 1:13 minuto.
Parehong mintis ang dalawang koponan sa mga sumunod na sandali bago nagmintis si Bossing import Kentrell Barkley sa kanyang drive na nagresulta sa rebound ni Banchero at basket ni Newsome sa natitirang 3.9 segundo para sa 116-114 bentahe ng Bolts.
Tumapos si Barkley na may 28 points, 10 boards at 4 assists para pamunuan ang Blackwater, habang kumamada si Sedrick Barefield ng 28 markers.
Nasayang ang 20 points ni Ilagan sanhi ng nagpatalong turnover niya sa kanilang huling posesyon.
- Latest





















