^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Pagkutya sa mga Pilipino

Pilipino Star Ngayon

HINDI na ito biro. Kapag ang isang state-run media­ outlet tulad ng China Daily ay nagla­labas ng video na naglalarawan sa mga Pilipino bilang unggoy­, ibang usapan na. Hindi iyon jour­nalism. Hindi iyon diplomacy. Racism iyon.

Sa nasabing AI-generated video, ipinakita ang isang monkey-like figure na nakasuot ng barong at salakot, itinutulak umano ng U.S. at Japan, at kala­unan ay itinapon sa dagat at binomba ng water cannon. Malinaw ang gustong iparating­: minamaliit ang Pili­pino, kinukutya ang ating paninindigan sa West Philippine Sea, at pinala­labas na wala tayong sariling isip sa pagta­tang­gol ng karapatan. Dito dapat malinaw ang sagot: hindi tayo puppet dahil ipinagtatanggol natin ang atin.

Matagal nang sinusubukan ng China na bale­wa­lain ang 2016 Arbitral Award na kumilala sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at nagbasura sa malawak na claim ng Beijing­. Pero hindi ma­bubura ng cartoon, AI video, o racist­ propaganda ang desisyon ng international tri­bunal. Hindi rin nito mababago ang katotoha­nang may mga Pilipinong mangingisda, sundalo, at coast guard personnel na araw-araw na hu­ma­harap sa panganib sa sariling karagatan.

May pinagkaiba ang satire sa racism. Ang satire ay pumupuna sa kapangyarihan. Ang racism ay nang­mamaliit ng lahi at pagkatao. Kapag ang isang bansa­ ay kinukuwestiyon sa batas at ebidensiya, hindi dapat ang sagot ay pang-iinsulto. Kung matibay ang posis­yon ng China, dapat nitong ipagtanggol iyon sa legal­ at diplomatic na paraan, hindi sa paglalara­wan sa ibang lahi bilang hayop.

Mahalaga ring sabihin: ang galit na ito ay hindi laban sa ordinaryong Chinese people. Ma­raming Chi­nese, Filipino-Chinese, at iba pang mamamayan ang walang kinalaman sa propa­ganda ng isang state media outlet. Ang dapat kondenahin ay ang racist messaging, ang pangmamaliit, at ang paggamit ng propaganda para takpan ang kawalan ng respeto sa karapatan ng Pilipinas.

Sa isyung ito, hindi dapat magkanya-kan­yang kampo ang mga Pilipino. Hindi ito tungkol­ sa pagi­ging maka-Amerika, maka-China, pro-ad­ministration­, o opposition. Kapag ang Pilipino ay inilalarawan bilang unggoy, buong bansa ang iniinsulto. Kapag pinala­labas na wala tayong sariling isip, buong bansa ang minamaliit.

Tama lang na manawagan ang DFA, DND, at mga mambabatas na tanggalin ang video at humingi ng paumanhin ang China Daily. Ang ganitong uri ng propaganda ay hindi dapat pa­lampasin, dahil kapag hinayaan, nagiging normal ang pangmamaliit.

Hindi mabubura ng racism ang ating kara­patan sa West Philippine Sea. At hindi mapaliliit ng anumang video ang dignidad ng Pilipino.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with