Shabu courier naharang sa gun ban checkpoint
COTABATO CITY - Sa halip na baril, shabu na nagkakahalaga ng P680,000 ang nasamsam ng mga pulis sa isang gun ban checkpoint nitong Huwebes, Hulyo 16, unang araw ng pagpapatupad ng gun ban sa Cotabato City kaugnay ng nalalapit ng September 14 elections sa Bangsamoro region.
Nasa isang police detention facility na ang 22-anyos na suspect, si Albanie Daud Kamid, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ihahatid sana ni Kamid, residente ng Barangay Gadungan sa Talitay sa Maguindanao del Norte, sa isang contact sa bayan ng Malabang sa Lanao del Sur ang shabu na nakumpiska sa kanya, ayon sa list ni Captain Steffie Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Sa pahayag naman ni Col. Jibin Bongcayao, director ng Cotabato City Police Office, pinigil ng mga pulis sa checkpoint sa Jose Lim, Sr. Street, Barangay Poblacion 5 ang suspect na nagmamaneho ng tricycle, upang suriin lang sana kung may dala siyang baril ngunit nabisto kalaunan nang may 100 gramo ng shabu pala sa loob ng kanyang sling bag.
Agad na inaresto ang suspect ng mga pulis na pinamumunuan ni Capt. Anuar Mambatao, at kanilang dinala sa Cotabato City Police Station 1 upang tuluyang masampahan na ng kaukulang kaso.
Ayon Salanguit, sabay na nagsimula nitong Huwebes ang pagpapatupad ng gun ban sa mga lungsod ng Lamitan, Marawi at Cotabato, at sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi kaugnay ng layunin ng Commission on Elections na maging mapayapa ang nalalapit ng September 14 Bangsamoro parliamentary elections.
- Latest



















