Angel palaban na ulit, sinumbatan si Robin!

Sumagot si Sen. Robin Padilla sa mensahe ni Angel Locsin nang sabihin niyang “komunista po ako” kay NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc (tinatawag ding Lontoc) na kinuwestiyon ni Sen. Padilla ang kredibilidad, track record, at mga nakaraang reklamo sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte kung saan isang senator-judge ang aktor.
Binuhay nga ni Angel ang kanyang social media career upang pagsabihan ang kanyang ‘kuya’ tungkol sa sinasabi nitong ‘komunista siya.’ “Nung mga panahong magkasama tayo, madalas mong ikwento yung panahon na namundok ka at nag-armas para ipaglaban ang bayan. Sabi mo pa nga, dinadalaw ka ng ex mo sa bundok.
“Sa statement mo na to, kahit papaano, natuwa akong makita ulit yung dating Robin Padilla na nakilala ko. At least, honest ka ngayon, Kuya.
“Ang tanong ko lang, nasaan ka nung panahong nirered-tag ako kahit alam mong hindi totoo? Actually, kasama mo pa nga at kachikahan yung mga nangre-red-tag. Naghugas-kamay at pumikit sa katotohanan,” matapang na umpisa ni Angel sa parang panunumbat niya.
Matagal hindi nagpaparamdam sa social media ang aktres.
Pagpapatuloy niya : “Isa sa mga pinakamalaking dahilan kung bakit ka binoto ng maraming Pilipino ay dahil inasahan nilang magiging matapang kang boses para sa mga kapatid nating Muslim. Pero bakit parang mas ipinaglalaban mo pa si Quiboloy? Naniniwala ka ba talaga na siya ang “appointed son of God”?
“Isa ka sa pinaka-makabayang taong nakilala. Ikaw si Andres Bonifacio. Kaya nakakalungkot pag nakakabasa ako ng stand mo pagdating sa China. Hindi ito ang Robin Padilla na nakilala at hinangaan ko.
“Kahit paano, alam kong halos pareho tayong landas na dinaanan. Galing sa hirap, nagtrababo ng maaga, tinangkilik at nakapagpasaya ng mga tao. Ang utang na loob natin ay sa ating diyos at sa lahat ng Pilipino —hindi lamang sa isang tao.
“Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat,” kung saan naka-tag pa ang actor/pulitiko na ang bahagi nga ng sagot niya ay: “Hindi na ito ang komunismo na aking tinutukoy.
“Ang komunismo na iyon ay sa panahon pa ni kumandante che guevarra ay hindi na napairal.
“Dahilan para bumagsak ang communismo sa russia at maging capitalist economy na rin ang china.
“Ang sinasabi ko na komunismo ay hindi ang komunismo na ito na dati ko pinaniwalaan,
“Ang komunismo na aking sinabi ay ang lolo ng komunismo ni karl marx.
“Yan po ay ang mga unang kristiano at unang mga muslim na nagsagawa nito sa madinah.
“Ang tawag po dyan sa kanila ay christian communism
“At sa mga muslim ay Mu’akhat system.
“Ito po ang mga tunay na socialist at communist practice.”
Wala pa ulit sagot si Angel tungkol sa rebuttal ni Sen. Robin sa kanyang mensahe.
Maaalalang ni-red-tag noon si Angel – paulit-ulit na inakusahan ang aktres ng mga dating military official ng pagkakaroon diumano ng koneksyon sa mga grupong komunista.
At kahapon ay kumalat sa social media ang dalawang pictures nung pagdalaw raw niya sa lugar na maraming NPA sa Surigao del Sur noong 2009 at noong 2015 diumano napatay ang dalawang kasama niya sa nasabing photo.
At ‘yun diumano ang naging basehan ng red-tagging.
Pero hindi mo sure kung AI o artificial intelligence ang nasabing photos at hindi naman verified dahil naka-blurred ang mga kasama niya sa nasabing photo.
Ang tagal ding nawala ni Angel sa social media. Medyo nagpo-post siya noong maging Pinoy Big Brother housemate ang stepson niya, anak ng mister niyang si Neil Arce. Pero ngayon ay parang ‘di na siya nakatiis.
Ang sabi ay naaliw si Angel sa online gaming noong panahong ‘di ito nagpaparamdam sa showbiz.
Tuwang-tuwa naman ang kanyang followers at iisa ang sinasabi nila, nagbabalik si Darna.
- Latest

























