Selyadong kahon ng tax records ni Sara at mister naibalik na sa BIR
MANILA, Philippines — Ang selyado berdeng kahon na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte at ang kanyang mister na si Atty. Manases Carpio, ay naibalik na kahapon ng alas-11:07 ng umaga sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ang pagbabalik ng BIR box ay ginawa isang araw makaraang iutos ni Impeachment Presiding Officer Sen. Chiz Escudero na ibalik sa BIR ang mga sealed boxes dahil wala pang legal custody ang dokumento at hindi pa namamarkahan.
Nilinaw naman ni Escudero na maaari pa ring iutos ng impeachment court ang paglalabas ng mga rekord sa mga susunod na bahagi ng proceedings kung kinakailangan.
Nakapaloob sa sealed box ang income tax returns nina Duterte at Carpio, gayundin ang sa kanilang mga negosyo.Una itong isinumite sa House Committee on Justice ngunit hindi nabuksan bago ang Senate impeachment trial.
Magugunita na sa pre-trial conference ay hindi pumayag ang kampo ni Duterte na buksan at markahan ang kahon bilang ebidensiya, ngunit sinabing papayag sila kung bubuksan ito sa isang executive session.
Tinutulan naman ng BIR ang pagbubukas ng kahon, batay sa National Internal Revenue Code na nagsasaad na maaari lamang ilabas ang income tax returns kung ang kahilingan ay in aid of legislation at dapat itong suriin sa executive session at hindi sa public hearing na dinadaluhan ng media.
- Latest


















