^

PM Sports

Eala goodbye na sa Berlin

Chris Co - Pang-masa
Eala goodbye na sa Berlin
Pumalakpak si Alex Eala sa crowd matapos ang kanyang kabiguan kay Linda Noskova ng Czech Republic sa semifinals ng Berlin Open.
Alex Eala/Instagram photo

MANILA, Philippines — Bigo si Alex Eala na masundan ang matikas na ratsada nito nang yumuko ito kay Linda Noskova ng Czech Republic sa iskor na 2-6, 4-6 sa semifinals ng Berlin Open kahapon sa Steffi Graf Stadion sa Germany.

Sinubukang pumalag ni Eala sa second set nang kunin nito ang 4-3 kalamangan.

Subalit agad na rumes­ponde si Noskova nang maglatag ito ng solidong laro sa tatlong sunod na games para makuha ang panalo.

Naging matibay na armas ni Noskova ang solidong serves nito matapos magpakawala ng siyam na aces para tuluyang patalsikin sa kontensiyon ang Pinay netter.

Tumagal lamang ang laro  ng isang oras at siyam na minuto.

Una nang pinatumba ni Eala ang mga bigating pangalan sa Berlin Open.

Sinimulan ito ni Eala nang pataubin nito si Queen’s Club champion Donna Vekic ng Croatia sa first round (7-5, 6-4) kasunod ang impresibong panalo kay world No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa second round (7-5, 6-4).

Nakapasok sa semis si Eala nang igupo nito si world No. 8 Elina Svitolina ng Ukraine, 6-3, 6-4, sa quarterfinals.

Hindi naman uuwing luhaan si Eala dahil magkakamit ito ng tumataginting na 57, 395 Euros o halos P4 milyon.

Bukod pa rito ang pag-angat ni Eala sa No. 30 sa WTA live rankings.

Sunod na tututukan ni Eala ang Bad Homburg Open na magsisimula ngayong araw.

Walang pahinga ang Pinay netter dahil unang makakalaban ni Eala si Elise Mertens ng Belgium sa first round.

Lalarga rin si Eala sa doubles kasama si dating Grand Slam champion Venus Williams ng Amerika.

Gaya sa Berlin Open, wild card din si Eala sa Bad Homburg Open.

Magandang preparas­yon ito para kay Eala bago sumalang sa prestihiyosong Wimbledon Championships na magsisimula sa susunod na linggo sa London, England.

ALEX EALA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with