^

PSN Opinyon

‘Di pa tapos ang laban sa Senado

PULSOhan - Dr. Paul Martinez - Pilipino Star Ngayon

Sa wakas, natuldukan na rin ang matagal na sigalot sa liderato ng Senado. Ang totoo, matagal nang alam ng ma­rami sa loob ng kapulungan na nagbago na ang balanse ng suporta. Lumalakas ang tinatawag na “bagong majority,” kaya hindi na lihim na nanganganib ang pananatili ni Senador Alan Cayetano bilang Senate President. Ang tanong noon ay hindi na kung magkakaroon ng pagbabago, kundi kung kailan ito tuluyang mangyayari.

Bago pa man magtapos ang regular na sesyon, ka­pan­­sin-pansin na tila iniiwasan ang isang direktang pag­subok ng numero sa plenaryo. Nang magkaroon ng sine die ad­­journment, pansamantalang naantala ang isang pag­­babagong matagal nang inaasahan. Ngunit nang mag­­patawag ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., wala nang maitatago ang tunay na political arithmetic sa loob ng Senado. Muling nagharap-harap ang mga senador at lumitaw ang suportang matagal nang nabubuo para sa bagong liderato.

Ngunit hindi dito nagtatapos ang kuwento. Ang usapin ay hindi na kung sino ang nanalo o natalo sa tunggalian para sa liderato. Ang mas mahalagang tanong ay kung paano maibabalik ang tiwala ng publiko sa isang institusyong na­sangkot sa mahabang bangayan habang maraming usaping pambansa ang naghihintay ng aksyon at solusyon.

Ang nakalulungkot, hindi lamang mga senador ang na­apektuhan ng sigalot na ito. Habang abala ang magkabilang kampo sa pagpapalakas ng kanilang mga numero, maraming panukalang batas at repormang dapat sana’y natutukan ang natabunan ng pulitika. Kapag ang Senado ay nalulunod sa sarili nitong alitan, ang buong sambayanan ang nagdurusa sa pagkaantala ng mahahalagang gawain ng pamahalaan.

Isa sa mga naging kahinaan ng dating majority bloc ay ang uri ng lideratong kanilang itinaguyod. Hindi maikakailang si Senador Cayetano ay may agresibo at komprontasyonal na estilo ng pamumuno. Maaaring epektibo ito sa pampulitikang labanan, ngunit ibang uri ng liderato ang hinihingi ng Senado—isang lideratong nakabatay sa respeto, pagpipigil, at kakayahang pag-isahin ang magkakaibang panig.

Sa Senado, hindi dapat umiikot ang kapangyarihan sa kung sino ang pinakamalakas o pinakamadakdak. Ang isang Senate President ay hindi boss ng kapulungan kundi tagapag-ingat ng dignidad at kredibilidad nito. Ang tunay na statesman ay marunong makinig, makipag-usap, at maghanap ng pagkakasundo kahit may matitinding pagkakaiba ng pananaw sa mga polisiya at pambansang usapin.

May isa ring mahalagang paalala para sa lahat ng pulitiko. Huwag gawing kalasag ang pangalan ng Diyos upang bigyang-katwiran ang kapangyarihan o ambisyon. Hindi nagiging tama ang isang lider dahil lamang sa pag-angking siya ang pinili o isinugo. Maaaring patawarin ng taumbayan ang pagkakamali, ngunit hindi ang kasakiman, pagmamataas, at kawalan ng pananagutan. Tapos na ang laban para sa liderato, ngunit di pa tapos ang laban sa Senado. Ang tunay na hamon ngayon ay kung paano maibabalik ang dangal, respeto, at tiwala sa institusyong dapat nagsisilbi sa bayan bago sa sarili.

SENADO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with