^

PSN Opinyon

Manuel Inserto: OFW banker

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Sa hanay ng mga propesyonal na overseas Filipino worker, kapansin-pansin din ang napakahabang paglalakbay ni Manuel I. Inserto bilang isang Filipino banker sa ibayong-dagat na tumagal nang mahigit 30 taon lalo na sa Gitnang Silangan.

Mahigit 50 taon na si Inserto sa banking industry. Nagtrabaho siya sa iba’t ibang bangko sa Bahrain noong dekada 1980. Nagsimula siya bilang accountant at branch operations head sa offshore banking operations ng Allied Banking Corporation at kalaunan ay naging assistant manager sa Al Bahrain Arab African Bank.

Hindi naglaon, nagtrabaho siya sa Kuwait Foreign Trading Contracting and Investment Company at sa Al Ahli Bank of Kuwait. Sa loob ng maraming taon, naging bahagi siya ng sektor ng pananalapi sa Gitnang Silangan sa panahong mabilis ang paglago ng ekonomiya sa rehiyon.

Aktibo rin siya sa mga organisasyong Pilipino. Noong 1986, itinatag niya ang Philippine Bowling Association in Kuwait at nahalal bilang unang pangulo nito. Nahalal din siyang pa-
ngulo ng Kapisanan ng mga Pilipino sa Kuwait, isang umbrella organization ng mga Pilipino sa naturang bansa. Sa panahong iyon, marami siyang natulungang OFW na nangangailangan ng tulong-pinansyal para sa pamasahe pauwi, bayarin sa ospital, gamot at iba pang suliraning pampamilya.

Dumating ang isa sa pinakamahirap na yugto ng kanyang buhay nang sumiklab ang Gulf War noong 1990. Tulad ng libu-libong Pilipinong nasa Kuwait noon, kinailangan niyang iligtas ang kanyang pamilya mula sa kaguluhan. Dumaan sila sa Baghdad bago nakarating sa Jordan upang makaligtas sa digmaan.

Pagkatapos ng panahong iyon, ipinagpatuloy niya ang kanyang karera sa Pilipinas. Naging branch manager siya ng Land Bank of the Philippines sa Kalibo, Aklan at kalaunan ay na-promote bilang assistant vice president at regional head para sa Middle East at Africa. Sa posisyong ito, pinangasiwaan niya ang mga operasyon at ugnayan ng bangko sa iba’t ibang bansa kabilang ang Saudi Arabia, Bahrain, Qatar, Kuwait, Oman, United Arab Emirates, Israel, Jordan at Libya.

Noong 1996, itinalaga naman siya bilang chief representative at assistant vice president ng Land Bank sa Singapore. Saklaw niya ang Brunei, Malaysia, Thailand at Indonesia. Habang nasa Singapore, hindi rin nawala ang kanyang pakikilahok sa mga gawaing pangkomunidad. Nahalal siyang pangulo ng Filipino Association of Singapore (FAS), isa sa pinakamatagal at kinikilalang samahang Pilipino sa naturang bansa.

Nagretiro siya sa Land Bank noong 2014. Sa kasalukuyan, nagsisilbi siyang vice president, treasurer at administrative head ng Bangko ng Kabuhayan (A Rural Bank) Inc., dating Rodriguez Rural Bank, isa sa mga pinakamatandang rural bank sa bansa.  Nagtuturo rin siya sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Ngayong taon, nahalal si Inserto bilang chairman ng All-Star Rotary Presidents Association para sa taong 2026-2027.   Kamakailan ay pinuri ni All-Star Rotary Governor Ernest Yuyek ang mga programang inihanda ng bagong pamunuan. Kabilang dito ang mga wellness activities gaya ng libreng karate lessons, bowling tournaments, golf competitions at yoga sessions.

Sa Hunyo 28, 2026, gaganapin ang induction of officers ng All-Star Rotary Presidents Association kasabay ng pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng samahan.

* * * * * * * * * *

Email- [email protected]

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with