Lalaki na may kausap sa cellphone tumalon sa tulay, patay
MANILA, Philippines — Agad na nasawi ang isang 30-anyos na lalaki matapos itong tumalon sa tulay habang may kausap sa cellphone kahapon ng madaling araw sa Paurungan Bridge sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, Barangay Salawag, Dasmariñas City, Cavite.
Lasog ang mga buto ng biktima na itinago sa alyas “Jake”, binata, residente ng Bella Vista Subdivision, Brgy. Santiago, General Trias City, Cavite.
Sa salaysay sa pulisya ng isang saksi na alas-5:30 ng madaling araw ay nakita niya ang biktima na naglalakad sa nasabing tulay na may kausap sa kanyang cellphone na tila balisang-balisa.
Ilang sandali ay nakita niya ito na huminto sa kalagitnaan ng sementadong tulay at tiningnan ang ibaba bago ito mabilis na tumalon.
Bumagsak sa malalaking bato ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang dahilan nang pagpapakamatay nito.
- Latest















