‘Drug free Philippines’ imposible

Parang hindi nauubos at natatapos ang mga operasyon­ ng  pulisya laban sa mga iligal na droga. Araw-araw ay may report na mga nasasamsam at nahaharang na mga illegal drugs sa iba’t ibang probinsiya at maging sa mga pali­paran. Kaya naman imposible na makamit ng bansa ang  “drug free Philippines”.

Bagama’t maituturing na accomplishment at ipinakikita ng Philippine National Police (PNP) na nagtatrabaho sila, tila hindi pa rin ito sapat dahil marami pa rin ang nagugumon sa ipinagbabawal na gamot. Bilyun-bilyon na ang nasasabat na illegal drugs ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) gayun­din ng  mga Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa kani­lang mga entrapment at buy-bust operation subalit patu­loy pa rin ang mga paglaganap ng bentahan ng shabu, marijuana at  cocaine.

Paano nga ba masasawata ang supply nito? Matagal na ring ino-operate ng PNP ang mga supplier, bigtime pusher, manufacturer at maging ang mga pagsalakay sa mga shabu laboratory ngunit hindi natatapos.

Walang pinipiling edad at estado sa buhay ang illegal drugs. Lalo na ngayong nagsimula na naman ang klase, ma­raming ‘tulak’ ang posibleng mambiktima ng mga inosenteng  estudyante.

Malaki ang tiwala at suporta natin sa PNP pero kung mas paiigtingin at paiiralin ang monitoring at intelligence, mauubos at mauubos ang illegal drugs. Oo, malaking responsi­bi­lidad ito sa mga awtoridad pero may kasabihan tayo na “kung gusto may paraan, ayaw maraming dahilan”.

Hindi natin pine-pressure ang mga awtoridad pero ‘wag naman­ sanang puro mga ‘tulak’ lang ang nahuhuli mas ma­ganda kung mismong ‘utak’ ng illegal drugs. Mas magandang mabalitaan na wala nang illegal drugs sa bansa!

Show comments