2-1 lead itinagay ng Ginebra

MANILA, Philippines — Inagaw ng Barangay Ginebra ang 2-1 lead sa kanilang championship series ng nagdedepensang TNT Tropang 5G matapos itagay ang 116-102 panalo sa Game Three ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup Finals kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Nagkadena si resident import Justin Brownlee ng 41 points, 7 rebounds, 7 assists at 3 steals para makauna ang Gin Kings sa kanilang best-of-seven championship series ng Tropang 5G.
“We lacked energy the last game, and we just wanna come out with a lot of energy this time,” wika ng 38-anyos na si Brownlee sa Ginebra na nakahugot ng solidong suporta kina Stephen Holt at RJ Abarrientos.
Binanderahan ni balik-import Chris McCullough ang TNT sa kanyang 44 markers at 13 boards.
Mula sa 42-59 halftime deficit ay nakalapit ang Tropang 5G sa 48-61 sa kaagahan ng third period.
Bumanat ang Gin Kings ng isang 16-9 atake kasama ang jumper ni Brownlee sa huling 3:05 minuto para sa kanilang 79-57 lead sa nasabing yugto.
Sa pangunguna nina McCullough at Roger Pogoy ay nakadikit ang TNT sa 89-96 sa 5:57 minuto ng fourth quarter, habang nagtuwang sina Brownlee, Abarrientos at Scottie Thompson para muling ilayo ang Ginebra sa 108-93 sa huling 2:08 minuto.
Kagaya ng ginawa ng Tropang 5G sa kanilang 101-94 panalo sa Game Two, lumamang din ang Gin Kings sa pagsisimula ng second period, 38-18, mula sa three-point shot ni Troy Rosario.
Isang 10-2 atake ang ginawa ng TNT para makalapit sa 28-40 bago muling nakalayo ang Ginebra sa paglilista ng isang 22-point lead, 57-35, sa huling 2:33 minuto bago ang halftime.
Tampok sa nasabing 17-7 bomba ng tropa ni coach Tim Cone ang mga triples nina Holt, Brownlee at Thompson.
Kumamada si Holt ng 18 points habang may 14 markers si Brownlee para sa Gin Kings sa first half.
- Latest

















