Jinggoy: Three-peat champ sa kasong plunder!
Himas-rehas muli si Senador Jinggoy Estrada sa pangatlong pagkakataon dahil sa kasong pandarambong. Nitong Lunes, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan sa isang non-bailable case of plunder, inaresto siya sa loob mismo ng Senado. Nag-ugat ang kaso sa akusasyong nakinabang siya sa mga tiwaling infrastructure projects at budget insertions.
Hindi baguhan si Jinggoy sa kulungan. Sa lengguwaheng kalsada, ang tawag dito ay “nangungulungan.” Noong 2001, siya ay kinasuhan, inaresto, at ikinulong sa kasong plunder na may kaugnayan sa jueteng. Noong 2014 naman, sa kasagsagan ng “Napoles pork barrel scam,” muli siyang nasangkot matapos mabunyag na siya ang tinutukoy na alyas “sexy” sa mga rekord ni Janet Lim-Napoles, na tumanggap ng limpak-limpak na PDAF kickback. Muli siyang kinasuhan, inaresto, at ikinulong. Kasama niyang nadawit sina dating Senate President Juan Ponce Enrile at dating Senador Bong Revilla, na ngayon ay nakakulong na rin sa kasong pagnanakaw.
Sabi nga ng marami, walang kadala-dala si Jinggoy. Charged, arrested, and jailed for plunder, not once, not twice, but thrice. “Hall of Famer” na siya sa kasong plunder. Kung basketball naman ito, three-peat grandslam champion na siya. Bawat dekada, may kaso siya ng plunder. Tatlong henerasyon ng mga Pilipino ang tila ninanakawan ng mga pondong dapat sana’y napunta sa edukasyon, kalusugan, pabahay, at iba pang mahahalagang social services.
Ayon kay Jinggoy, ginigipit daw ang kanilang majority bloc sa ilalim ni “Ambassador of Jesus Christ” Alan “Pokémon” Cayetano. Weh. Bago pa man siya naging majority, may kaso na siya.
Tanong pa ni Jinggoy, bakit puro mga kaalyado niya raw ang kinakasuhan? Kasalanan ba ng publiko kung nagsama-sama silang mga akusadong plunderers, mass murderers, market manipulators, Tsinadors at justice obstructionists? Sa dami ng kaso ng kanilang bloke, mukha silang isang sindikato.
Hindi isolated case si Jinggoy. Ang paulit-ulit niyang kaso ng pandarambong ay hindi simpleng masamang bisyo lamang. Sinasalamin nito ang malalim na sakit ng ating pulitika, ang sistematikong pagnanakaw, pang-aabuso sa kapangyarihan, at paghahari ng mga political dynasty, mandarambong, at mga walang pananagutan. Habang paulit-ulit nating silang ibinoboto, paulit-ulit lang din ang kwentong ito.
Kaya hindi dapat magtapos kay Jinggoy ang panawagan ng pananagutan. Kalusin na ang lahat ng bulok sa Senado, gayundin sa lahat ng ating mga institusyon!
- Latest


















