^

PSN Opinyon

Pagpapatayo sa mga silid-aralan inaasahang bibilis

WIN SA EDUKASYON - Sen. Win Gatchalian - Pilipino Star Ngayon

Isa sa mga pinakamalaking hamong hinaharap natin sa sektor ng edukasyon ang kakulangan ng mga classroom o silid-aralan, bagay na nabibigyang-diin tuwing nagsisimula ang school year. Batay sa datos ng Department of Education (DepEd) noong Hulyo ng nakaraang taon, hindi bababa sa 147,000 ang kulang nating silid-aralan.

Malawak ang negatibong epekto ng kakulangan sa mga silid-aralan at ng siksikang bilang ng mga mag-aaral sa loob ng isang kwarto. Sa ganitong sitwasyon, nahihirapan ang mga mag-aaral na magpokus sa kanilang pag-aaral. Malaking hamon din para sa mga guro ang maayos at epektibong pagtuturo.

Ngunit sa taong ito, may natatangi tayong oportunidad upang tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan. Noong nanungkulan tayo bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, naglaan tayo ng P65.9 bilyon para sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan. Gamit ang naturang pondo, inaasahang humigit-kumulang 24,000 ang ating maipapatayo.

Upang lalo pang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, tiniyak din natin ang mas maigting na pakikilahok ng mga katuwang natin sa sektor ng edukasyon. Kung dati ay Department of Public Works and Highways (DPWH) lamang ang nagpapatayo ng mga silid-aralan, pinahihintulutan na natin ngayong taon ang pakikipagtulungan ng DepEd at ang pribadong sektor.

Sa ilalim ng isang special provision sa 2026 national budget, nakasaad na maaaring makipagkasunduan ang DepEd sa mga local government units (LGUs), pati na rin ang pribadong sektor. Mahalaga ang pakikilahok ng mga LGUs dahil kung sabay-sabay silang magpapatayo, mas mabilis nating mapupunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.

Ngayong nalalapit nang magsimula ang pasukan, patuloy nating titiyakin na epektibong magagamit ang makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon, kabilang ang mga silid-aralan. Patuloy tayong makikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pati na rin sa pribadong sektor, upang mabawasan at maalis ang siksikan sa ating mga paaralan.

EDUKASYON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with