Arrest Bato!
Last Thursday, mismong Department of Justice na ang nagsabing puwede nang ipatupad ang warrant of arrest na inilabas ng ICC laban kay Senator Bato dela Rosa. Diretso na ang utos arestuhin. Inatasan na ang NBI at PNP na hanapin at dakpin siya matapos ibasura ng Korte Suprema ang hiling niyang temporary restraining order para pigilan ang pag-aresto.
Parang unti-unting sumisingil ang nakaraan. Noong Mayo 11, hayagang kinumpirma ng ICC na may umiiral talagang warrant laban kay Dela Rosa. Ayon sa ICC Pre-Trial Chamber I, may sapat silang basehan para paniwalaang may direktang pananagutan siya sa kasong crimes against humanity, partikular sa pagpaslang sa ilalim ng Article 7(1)(a) ng Rome Statute.
Hindi simpleng paratang ang bumabalot dito. Ang usapan buhay ng tao. Mula Hulyo 3, 2016 hanggang katapusan ng Abril 2018, hindi bababa sa 32 katao ang naiulat na napatay. Tatlumpu’t dalawang buhay ang natuldukan habang ang iba’y tahimik lang na nakamasid, takot magsalita, o sadyang nagbulag-bulagan.
At ngayon, parang bumabalik lahat. Ayon sa gobyerno bumuo na pala sila ng espesyal na grupo para tukuyin kung nasaan si Bato. Hindi pa raw ito umaalis ng bansa. Pero sa totoo lang, kahit saan pa magtago ang isang tao, mahirap takasan ang bigat ng mga pangalang naiwan sa lupa at alaala ng mga pamilyang hindi na nakabangon.
Minsan, akala ng mga nasa poder habang malakas sila, untouchable sila. Akala nila habang may takot ang tao, walang maniningil. Pero ganyan talaga ang buhay sa kanto man o sa gobyerno darating at darating ang araw na kahit gaano ka katigas, may katok na hindi mo na kayang balewalain.
Ang balita bukod kay Bato isusunod na rin ang mga sinasabing co-conspirators nito.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay batay sa mga ulat at pampublikong pahayag kaugnay ng usapin. Wala pang pinal na hatol ang hukuman at nananatiling may karapatan ang lahat ng sangkot sa due process at patas na paglilitis.
- Latest















