Sinu-sino ang tumulong kay Bato?
Sa pagpuga ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa matapos na magkaroon ng nakatutulig na putok ng mataas na kalibre ng baril sa ikalawang palapag ng Senate Building abay, ang naiwang nakatulala sa ngayon ay itong mga nagugutom na mga Pilipino.
Kasi nga, kung inyong matatandaan, humahangos itong si Sen. Bato dela Rosa sa biglaang pasulpot sa session hall ng Senado, halos magkanda patid-patid ang kanyang mga ugat sa leeg at ulo dahil sa galit o highblood matapos umano na harangin siya ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) papasok ng gusali.
Kaya’t napahiyaw pa ito na noong hindi siya sumisipot sa session ng Senado hinahanap ninyo at sumasahod na ‘di nagtatrabaho, ngayon na pumasok na siya para magtrabaho, hinaharang naman ninyo. Hehehe!
Kasi mula noong Nobyembre 2025 ay nagtago na itong si Bato dela Rosa matapos na makasagap na may arrest warrant na naipalabas ng International Criminal Court (ICC) bilang kasapakat sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Kaya’t napuna nitong aking mga kausap na seryoso itong si Sen. Bato na muling makabalik sa Senado subalit tila bigla na lamang umiba ang ihip ng hangin matapos ang ilang araw nitong pamamalagi sa loob ng Senate Building.
Kasi nga, bukod sa naidagdag ni Bato ang kanyang boto upang maisulong bilang Senate President si Sen. Alan Peter Cayetano at talunin si Sen. Tito Sotto. Kung sabagay kahit naman hindi napalitan itong si Sotto, may kasunduan nang hindi maaring arestuhin itong si Sen. Bato sa loob ng session hall o sa loob mismo ng Senate Building, kaya’t ng makopo na ni Cayetano ang Senate Presidency mas lalong lumakas ang kapit nitong si Bato at hindi siya basta-bastang makakalawit ng mga humahabol na NBI at Philippine National Police.
Ang masakit, sa isang eksena sa pelikula nang biglang magkaroon nang sunod-sunod na putok mula sa matataas na kalibre ng baril na sa kalaunan ay nagmula umano sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA) chief na warning shots. Halos magkadarapa ang mga Media personalities na kumokober sa naturang event dahil sa kabiglaan.
Kung sabagay sanay na itong mga kapatid ko sa hanapbuhay sa mga ganitong situwasyon subalit kahit papaano’y nagkaroon pa rin sila ng takot dahil nasa loob sila ng gusali ng Senado. Kung baga, hindi basta-bastang mapapasok ito ng mga armadong personalidad dahil sa super higpit ng seguridad.
Ang masakit nito, matapos ang magdamag, tila biglang naglaho na si Sen. dela Rosa na naging malaking katanungan sa liderato ni SP Cayetano. Kasi nga, ang pagtakas ni Bato sa loob ng Senado ay nagkaroon ng alingasngas na may mga tumulong na matataas na politiko kung kaya’t ni CCTV footages ay walang mahagilap. Subalit papasan ba’t magkakaroon din ito ng kalinawan sa hinaharap at sana’y mapanagot ang mga may kinalaman dito. Iyan ang ating pakaaabangan!
- Latest















