Jetski budol ni Duterte, tinupad ng isang babaeng Mindanaoan
Kung may isang simbolo ng pangakong nauwi sa pambubudol, ito ay ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sasakay siya ng jetski sa West Philippine Sea at iwawagayway ang bandila ng bansa bilang tanda ng kanyang paninindigan sa ating soberanya. Matapang ang pangako, ngunit napako, at sa huli’y nauwi sa kabiguan.
Ngayon, isang babae mula rin sa Mindanao ang gumawa ng hindi nagawa ni Duterte. Siya si Akbayan Rep. Dadah Kiram Ismula.
Kasama ang Atin Ito Coalition, naglayag sila patungong Pag-asa Island bilang bahagi ng ikaapat na Civilian Mission ng grupo. Naghatid sila ng suplay na pagkain at gasolina sa mga residente, nagsagawa ng medical mission, at nagdaos ng isang kultural na pagtitipon.
Tampok sa kanilang misyon ang kauna-unahang “jetski flag ride” sa karagatan ng Pag-asa Island. Pinangunahan ito ni Rep. Dadah. Malinaw ang kanyang mensahe: “Dahil isang Mindanaoan ang nangako at nambudol ng jetski ride sa West Philippine Sea, isa ring Mindanaoan at babae ang ngayon ay naninindigan upang gawin ito para sa ating bansa.”
Bago ito, pinangunahan din ni Rep. Dadah ang isang maliit na grupo na nagtungo sa Pag-asa Cay 2 (Sandy Cay), isang buhanging pulo na parte ng Pag-asa Island, bago sumikat ang araw. Sakay ng rubber boat, hinarap nila ang panganib ng mga barko ng Tsina. Pagdating doon, buong tapang nilang iwinagayway at itinayo ang ating bandila.
Mahalaga ang dalawang hakbang na ito. Una, ang jetski flag ride ay pagbasag sa naratibo ng pambubudol at kataksilan ni Duterte. Ipinapakita rin nito na ang Pag-asa Island ay integral na bahagi ng Pilipinas kung saan may kalayaan ang mga Pilipino.
Pangalawa, ang pagtindig ng ating bandila sa Pag-asa Cay 2 ay isang mapayapa ngunit matatag na pahayag ng ating paninindigan, lalo na at agresibong inaangkin ng Tsina ang nasabing lugar upang lalong pahinain ang ating karapatan sa West Philippine Sea.
Malinaw ang mensahe ng Atin Ito. Ang pagtatanggol sa West Philippine Sea ay hindi lamang tungkulin ng mga lider o frontliners. Nasa kamay din ito ng mga mamamayang handang kumilos, mapayapa ngunit buo ng tapang at tatag, sa harap ng dayuhang agresyon.
- Latest




















