Diskarteng matuwid...Agency manager na farm owner
Ngayong araw na ito ay ibabahagi ko po sa inyo ang makulay at madiskanteng buhay sa pagsasaka ng isang agency manager na farm owner sa Pangasinan.
Ang aking tinutukoy ay si Reymond Quinto, farm owner at Agency Manager ng Sunlife Grepa Financial sa Santa Barbara, Pangasinan.
Si Reymond ay mula sa mahirap na pamilyang magsasaka pero siya ay nagsikap, nagsipag at sinamahan ng diskarte, ngayon ay masasabi ko na sobra pa sa kanilang pangangailangan ang kanyang naipundar.
“Ngayong panahon ito ay hindi puwede ang matalino at magaling ka lang, kailangan ay samahan mo ng matuwid na diskarte at huwag umasa sa iisang income lang o kita,” ani Reymond.
Dumaan si Reymond ng maraming pagsubok sa buhay pero hindi ito sumuko sa halip ay ginamit niyang tungtungan ang kahirapan ng buhay para marating ang tugatog ng tagumpay na kanyang kinalalagyan.
Noong panahon na siya ay nag-aaral ay maraming beses siyang nilibak ng mga magagaling sa paglalaro ng chess sa kanilang lugar at sinabihan na ang nasabing laro ay para lamang sa mga matatalino at hindi siya dapat manood nito.
Dahil sa hangarin na matuto ay umakyat ito sa puno para manood ng laro at pinag-aralan ang bawat move o galaw sa paglalaro ng chess.
Naging henyo si Reymond sa paglalaro ng chess at siya ang pinanglalaban ng kanilang paaralan tuwing may competition.
Naging varsity si Reymond sa bawat school na kanyang pinapasukan hanggang maka-graduate ng B.S Biology na walang binayarang tuition fee.
Kahit may matatag ng trabaho si Reymond at naging agency manager na ng Sunlife Grepa Financial ay nanatili sa kanyang puso at isipan ang pagsasaka.
“Maraming akong tanim na gulay at alagang manok, baka at kambing,” aniya
“Naniniwala ako na food security starts at home, makakatipid ka na, masustansiya pa ang pagsasaluhan ng buong pamilya, at makakatulong ka rin sa pagpreserba sa Inang Kalikasan,” pahayag pa ni Reymond.
Sa ngayon ay napakaraming source of income ni Reymond dahil sa kanyang matuwid na diskate.
Bukod sa iba’t ibang tanim at farm owner ay recruiter din si Reymond ng mga estudyante ng isang private school na accredited ng TESDA.
Ngayong Linggo, April 19, 2026 ay mapapanood ninyo ang interview kay Reymond at Farm tour sa TV show ng Magsasakang Reporter na Masaganang Buhay.
Tuwing araw ng Martes ay regular ninyong mababasa ang aking kolum dito sa Pilipino Star NGAYON (PSN) ng PhilStar Media Group.
Sa mga tanong at komento ay maaari ninyo akong i-text, huwag po tawag ah, sa 09178675197. STAY SAFE, SALAMAT PO, HAPPY FARMING, GOD BLESS US ALL.
- Latest















