Cancelled flights sa M.E - giyera na
HINDI ito simpleng “flight delayed.” Hindi ito dahil late ang piloto o kulang sa crew. Ito ay epekto ng giyerang sumiklab sa pagitan ng Iran, Israel, at United States.
Habang nagpapalitan sila ng missiles at banta, ang mga ordinaryong tao? Nasa airport. Nakatulala sa departure board.
Biglang may nakasulat - CANCELLED.
Ganun lang kadali burahin ang plano mo. Isinara ang himpapawid.
Ginawang no-fly zone ang mga rutang papunta sa Qatar, United Arab Emirates, Kuwait at iba pang bahagi ng Gulf.
Bakit?
Kasi kapag may missile sa ere, hindi ka pwedeng mag-cruise altitude lang at magdasal na hindi ka tatamaan.
Simple lang ang desisyon ng airlines. Kaligtasan muna. Tigilan ang lipad.
Pero sa likod ng “safety protocol,” may mga OFW na hindi makabalik sa trabaho.
May mga pamilya na naka-leave na sana para sa reunion. May mga batang sabik sa yakap ng magulang. At ngayon? Rebooking. Refund. Reschedule. Stress.
Ito ang totoo sa giyera.
Hindi lang sundalo ang tinatamaan. Hindi lang headline ang umiinit. Kundi pati pangarap ng simpleng tao na gusto lang makarating sa destinasyon niya nang buo at buhay.
Habang ang mga makapangyarihan nagkakasa ng opensiba, ang mga pasahero ang naiipit. Boarding pass sa isang kamay, pangamba sa kabilang kamay.
At sa gitna ng lahat, isang malinaw na mensahe. Kapag may digmaan sa itaas, ang nasa ibaba ang unang nababagsakan ng abo.
- Latest



















