Fundraiser na nagpapatibok ng puso

Congratulations sa Filipino Indian Ladies Association (FILA) sa matagumpay nilang FILA Diwali Bling Fundraiser! Mabilis na naramdaman ang impact ng kanilang selebrasyon dahil sa kanilang donasyong mga incubator sa neonatal unit ng Philippine General Hospital (PGH). Patunay ito kung ano ang kayang makamit ng samahang kumikilos at nagmamalasakit.
Bilang pinakamalaking public teaching hospital sa bansa, ang PGH ay matagal nang nagsisilbing mahalagang sandigan ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, lalo na para sa mga may limitadong access sa specialized medical care.
Araw-araw, daan-daang sanggol ang isinusugod sa ospital na nangangailangan ng incubators. Kaya malaking tulong ang donasyon ng FILA sa pagpapalawak ng kapasidad ng PGH at sa pagbibigay ng pag-asa sa mga sanggol na nangangailangan.
Ang FILA ay kumakatawan sa Filipino-Indian community sa Pilipinas. Dating kilala bilang Indian Ladies Club, mahigit animnapung taon nang tumutulong ang organisasyon dito sa bansa sa pamamagitan ng iba’t ibang humanitarian mission: mga charitable initiatives, disaster response, at pangmatagalang community programs.
Sa particular na fundraiser na ito, ang kalusugan ng mga bagong silang ang napiling tutukan ng FILA dahil sa matinding hamon pa rin ang neonatal mortality. Ang mga komplikasyong dulot ng prematurity, sepsis, at asphyxia ay kabilang sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng sanggol sa mga pampublikong ospital. Sa government hospitals na laging dinudumog tulad ng PGH, ang access sa maaasahang incubators ay maaaring mangahulugan ng buhay o pagkamatay.
Ang bawat dagdag na yunit -- maging ito man ay incubator, ventilator, o monitoring system -- ay direktang nagpapalakas sa kakayahan ng PGH na magbigay ng lifesaving interventions. Ang epekto ng ganitong suporta ay umaabot hindi lamang sa mga sanggol na agarang naliligtas, kundi pati sa kanilang mga pamilya at komunidad na pasan ang emosyonal at pinansyal na bigat ng matagal na gamutan.
Hindi rin nagtapos sa neonatal care ang malasakit ng FILA. Sa pamamagitan ng isang espesyal na children’s party sa pediatric ward, katuwang ang Chummy Chum Foundation, nagdala sila ng saya sa mga batang pasyente at ang kanilang mga mahal sa buhay sa gitna ng stress ng pagkakaospital.
Salamat sa FILA sa inyong mahalagang kontribusyon sa pagpapalakas ng public healthcare system ng bansa. Congratulations sa kanilang mga miyembro at liderato, na pinangungunahan ng aking kaibigang si Simran Uttamchandani!
Bilang mga media professional, alam nating ang tunay na impact sa lipunan ay hindi laging nasusukat sa mga headline lamang. Minsan, ito’y nasusukat sa mga tibok ng pusong nananatiling matatag, at sa mga bagong buhay na naililigtas.
-----
I-follow ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter. Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa [email protected].
- Latest















