^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hubaran, nasa likod ng agri smuggling

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Hubaran, nasa likod ng agri smuggling

WALANG ipinagkaiba sa iba pang corruption scandal partikular na ang maanomalyang flood control projects ang agricultural smuggling. Maraming sinira ang flood control scandal lalo ang kabuhayan ng mga resi­dente. Winasak ng baha ang kanilang buhay at ari-arian.

Ang agri smuggling sinisira ang kabuhayan ng mga ma­liliit na magsasaka. Dahil sa hindi masawatang smug­gling ng mga agri products—bigas, sibuyas, carrots, karne at iba pa, wala nang kinikita ang mga lokal na magsa­saka. Dahil mas mura ang smuggled na gulay, hindi na bini­bili ang local produced. At kahit na may Anti-Agri­­cultural Economic Sabotage Act patuloy pa rin ang smug­gling ng agri products. Talamak ang smuggling na hindi na kinatatakutan ang batas.

Hanggang ngayon, wala pang nasasampolang agri smugglers sa kabila na ilang beses na itong binantaan ni President Ferdinand Marcos Jr. Ilang beses na niyang binanggit sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang pagbabanta sa agri smugglers subalit walang nangyari. Patuloy ang mga nananabotahe sa ekonomiya ng bansa. Kailan may makikitang nakakulong? O katulad din ito ng flood control scam na hanggang ngayon walang “malaking isda” na nalalambat.

Naniniwala si Sen. Francis  Pangilinan na may “mala­king tao” na nasa likod ng agri smuggling. Hindi aniya makakakilos ang mga smugglers kung walang mala­king financiers. Binanggit ni Pangilinan ang P133 mil­yon na smuggled mackerel at sibuyas. Napakalaking halaga nito kaya hindi raw siya naniniwala na walang malaking tao na nasa likod nito. Binanggit ni Pangilinan ang Atara Marketing Inc. na nakapag-i-import ng bilyong pisong agri products. Maari raw bang paniwalaan na walang malaking financier ang kompanya.

Ayon pa kay Pangilinan, ang Atara ay nasa likod umano ng importasyon ng bigas na nagkakahalaga ng P7 bilyon ilang taon na ang nakararaan. Isa umanong may apelyidong “Lumbang” ang may papel sa importas­yon ng bigas. Ipagpapatuloy umano ng komite ni Pangi­linan ang pag-iimbestiga rito. Huhubaran umano nila ang nasa likod nang malawakang agri smuggling na may malalaking financiers.

Nakadidismaya na kahit may batas laban sa agri smug­gling ay patuloy pa rin ang malawakang pagpu­puslit ng mga produkto. Napag-alaman din na hindi lamang ang pagkalugi ng pamahalaan at pagkawala ng ikinabubuhay ng mga lokal na magsasaka ang masamang resulta ng agri smuggling. Naghahatid din ng peste ang mga smuggled na gulay. Dahil hindi dumaan sa tamang pro­seso, ang mga smuggled vegetables, posibleng may taglay na heavy metals na delikado sa consumers kapag nakain.

Ang pagkilos ng pamahalaan laban sa agri smugglers ay nararapat paigtingin. Maawa sa mga magsasaka at sa ekonomiyang sinasalaula.

SONA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with